Home METRO 4 kalsada sa Pasay, isasara sa Nob. 15–18 para sa ASEAN Summit

4 kalsada sa Pasay, isasara sa Nob. 15–18 para sa ASEAN Summit

4
0

MANILA, Philippines – Magpapatupad ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng road closures at traffic rerouting sa ilang bahagi ng Pasay City mula Nobyembre 15 hanggang 18 kaugnay ng pagdaraos ng 49th ASEAN Summit and Related Summits.

Ayon sa MMDA, kabilang sa mga kalsadang isasara sa publiko ang Atang Dela Rama Street, Vicente Sotto Street, Pedro Bukaneg Street at Magdalena Jalandoni Street na nasa paligid ng Philippine International Convention Center (PICC) at Cultural Center of the Philippines (CCP) Complex.

Pinayuhan ang mga motoristang patungong southbound mula Roxas Boulevard papuntang Diokno Boulevard at Macapagal Boulevard na kumanan sa EDSA, pagkatapos ay kumanan sa Diokno Boulevard patungong Macapagal Boulevard.

Para naman sa mga biyaheng northbound patungong Roxas Boulevard, maaaring dumaan sa Seaside Boulevard, kumanan sa Macapagal Boulevard, kumaliwa sa EDSA at muling kumaliwa sa Roxas Boulevard.

Bukod sa road closures, magpapatupad din ang MMDA ng stop-and-go traffic scheme sa mga rutang dadaanan ng mga opisyal na convoy at delegasyon.

Pinaalalahanan din ang mga truck driver na sundin ang mga itinakdang truck routes upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko.

Para sa mga truck na manggagaling sa Port Area patungong North Diversion Road, maaaring dumaan sa Road 10, Capulong Street, Raxabago Street, Yuseco Street, F. Huertas Street at C3 Road.

Samantala, ang mga truck na biyaheng southbound mula Port Area patungong President Sergio Osmeña Highway ay maaaring dumaan sa Bonifacio Drive, P. Burgos Road, Finance Road, Ayala Boulevard, San Marcelino Street at President Quirino Avenue.

Nilinaw ng MMDA na ang mga pagsasara ay limitado sa mga kalsadang nakapaloob sa security perimeter ng PICC at CCP Complex.

Pinayuhan ang publiko na maglaan ng dagdag na oras sa pagbiyahe, gumamit ng mga alternatibong ruta at sumunod sa mga traffic enforcer upang maiwasan ang abala.

Nauna nang idineklara ng Malacañang ang Nobyembre 16 hanggang 18 bilang special non-working days sa Metro Manila kaugnay ng pagho-host ng bansa sa ASEAN Summit. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here