MANILA, Philippines – Magkakaloob ang Japan ng coastal radar system at surveillance drones na nagkakahalaga ng ₱1.72 bilyon upang palakasin ang kakayahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagbabantay sa karagatan at seguridad ng bansa.
Pormal na nilagdaan nina Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro at Japanese Ambassador to the Philippines Kitagawa Katsuro ang kasunduan nitong Lunes, Nobyembre 9, sa Maynila.
Ayon sa Ministry of Foreign Affairs ng Japan, saklaw ng kasunduan ang 4.3 bilyong yen na tulong sa ilalim ng Official Security Assistance (OSA) program para sa fiscal year 2026.
Sa ilalim ng programa, makatatanggap ang Philippine Navy ng coastal radar system habang pagkakalooban naman ang Philippine Air Force ng unmanned aerial vehicles (UAVs) na gagamitin sa monitoring at surveillance operations.
Layunin nitong palakasin ang maritime domain awareness o kakayahan ng militar na matukoy at masubaybayan ang mga aktibidad sa karagatang sakop at nakapaligid sa Pilipinas.
Binigyang-diin ng Japan ang estratehikong lokasyon ng Pilipinas malapit sa mahahalagang rutang pandagat, kabilang ang South China Sea at Luzon Strait.
Mahalaga rin umano ang proyekto sa pagpapalakas ng seguridad sa mga rutang ginagamit sa pandaigdigang kalakalan at pagpapanatili ng kapayapaan sa Indo-Pacific region.
Ayon sa Japanese government, ito ang kauna-unahang paglilipat ng kumpletong defense equipment sa ilalim ng OSA program na inilunsad noong 2023.
Nauna nang nagbigay ang Japan ng coastal surveillance radar systems sa Pilipinas sa ilalim ng 2023 OSA agreement, na pormal na nai-turn over noong Pebrero 2026.
Inaasahang higit pang palalalimin ng bagong kasunduan ang kooperasyong panseguridad ng Pilipinas at Japan, partikular sa pagbabantay sa kanilang mga karagatan. RNT