Home HOME BANNER STORY Escudero: Impeachment trial walang timeline, pero gusto matapos bago mag-Pasko

Escudero: Impeachment trial walang timeline, pero gusto matapos bago mag-Pasko

4
0

MANILA, Philippines – Umaasa si Senador Francis “Chiz” Escudero na matatapos bago mag-Pasko ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang hindi na ito umabot sa 2027.

Gayunman, nilinaw ni Escudero, presiding officer ng Senate impeachment court, na wala pang itinakdang deadline para sa pagtatapos ng paglilitis.

Sa ambush interview nitong Martes, Nobyembre 10, sinabi ng senador na hanggang Nobyembre pa lamang ang inilalabas na iskedyul ng impeachment court.

“Wala pa kaming schedule ng Disyembre, depende sa mangyayari ngayong buwan na ito. Walang timeline. We’re not following any timelines,” ani Escudero.

Ipinaliwanag niyang nakadepende ang tagal ng paglilitis sa dami ng ebidensya at mga testigong ihaharap ng kampo ni Duterte.

Ayon sa senador, bagama’t isang testigo lamang ang naiharap sa pagdinig noong Lunes, inaasahan niyang bibilis ang proseso habang nagpapatuloy ang presentasyon ng depensa.

Inihalintulad niya ito sa makinang diesel na mabagal sa simula ngunit unti-unting bumibilis.

Tungkol naman sa posibilidad na bawasan ang mga testigo, sinabi ni Escudero na maaari lamang limitahan ng impeachment court ang presentasyon kung paulit-ulit o walang kaugnayan sa kaso ang mga ebidensya.

Ginawa na rin umano ito sa panig ng prosekusyon.

Sa kabila ng kawalan ng tiyak na petsa ng pagtatapos, nagpahayag si Escudero ng personal na pag-asang mareresolba ang kaso bago matapos ang taon.

“Sa akin mismo, kung ako ang tatanungin mo, siyempre, in a perfect world sana matapos ang impeachment, sino man ang manalo o matalo, bago mag-Pasko, bago mag-New Year,” ani Escudero.

Paliwanag niya, mas makabubuting matapos ang paglilitis upang makapagsimula ang bansa ng panibagong yugto sa 2027 at matutukan ang iba pang hamon.

Nagpatuloy nitong Nobyembre 9 ang impeachment trial ni Duterte, kung saan nagsimula nang magharap ng ebidensya ang kanyang defense team.

Kasalukuyang nakatuon ang paglilitis sa Article II ng impeachment complaint, na may kaugnayan sa mga alegasyon ng unexplained wealth at hindi wastong pagdedeklara ng mga ari-arian.

Nananatiling wala pang pinal na desisyon ang Senate impeachment court sa kaso.

Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here