MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Joel Villanueva ang pamahalaan na agarang kumilos laban sa tumataas na unemployment rate sa bansa matapos umabot sa 2.86 milyon ang mga Pilipinong walang trabaho noong Setyembre 2026.
Ayon kay Villanueva, chairman ng Senate Committee on Labor and Employment, mayroon nang mga batas at programang maaaring gamitin upang tugunan ang kakulangan ng trabaho ngunit kailangang tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng mga ito.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas sa 5.4% ang unemployment rate noong Setyembre mula sa 3.8% sa kaparehong buwan noong 2025.
Katumbas ito ng humigit-kumulang 900,000 karagdagang Pilipinong walang trabaho sa loob ng isang taon.
“Habang lumago ang labor force ng 1.63 milyon, 721,000 trabaho lamang ang nadagdag. Ang hamon ay hindi na paggawa ng batas, kundi implementasyon,” giit ni Villanueva.
Partikular na tinukoy ng senador ang Trabaho Para sa Bayan Act at Enterprise-Based Education and Training Framework Act, na naglalayong palakasin ang paglikha ng trabaho at iugnay ang skills training sa pangangailangan ng mga industriya.
Nagbabala rin si Villanueva na maaaring lumala ang sitwasyon dahil sa Super El Niño, na posibleng makaapekto sa kabuhayan ng mga manggagawa sa agrikultura hanggang unang kalahati ng 2027.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang sanayin ang mga manggagawa sa mga bagong teknolohiya, kabilang ang artificial intelligence (AI) at robotics, upang makasabay sa nagbabagong pangangailangan ng labor market.
Kaugnay nito, nanawagan ang senador sa Department of Economy, Planning and Development (DEPDev), Department of Labor and Employment (DOLE), TESDA, CHED at iba pang ahensya na magsumite sa Senado ng ulat tungkol sa pagpapatupad ng mga programa sa trabaho.
Kabilang sa nais niyang malaman ang mga target na natupad na, mga programang kasalukuyang ipinatutupad, suportang ibinibigay sa mga nawalan ng kabuhayan sa agrikultura at bilang ng mga Pilipinong nakikinabang sa AI at robotics training.
Giit ni Villanueva, kailangang magkaroon ng konkretong resulta ang mga umiiral na batas upang makalikha ng mas marami at dekalidad na trabaho para sa mga Pilipino.