MANILA, Philippines – Muling nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na palawakin ang mga benepisyo para sa mga pasyenteng may systemic lupus erythematosus (SLE) o lupus upang mabawasan ang kanilang gastusin sa pangmatagalang gamutan.
Ayon kay Go, vice chairperson ng Senate Committee on Health, mahalagang matugunan hindi lamang ang gastos sa pagpapaospital kundi maging ang regular na konsultasyon, laboratory examinations, maintenance medications at iba pang pangangailangang medikal ng mga pasyente.
Ang lupus ay isang chronic autoimmune disease kung saan inaatake ng immune system ang sariling mga tissue at organ ng katawan, kabilang ang bato, puso, baga, balat at mga kasukasuan.
Bagama’t may mga gamot upang makontrol ang sakit, nangangailangan ang maraming pasyente ng tuloy-tuloy na pangangalagang medikal.
Nauna nang sinabi ni Go na nangako ang PhilHealth sa mga pagdinig sa budget na bubuo ng kaukulang benefit package para sa mga may lupus.
“While this is not yet a law, we have already secured a commitment from PhilHealth during the budget hearings to develop a benefit package for lupus. We now call on PhilHealth to fulfill its commitment,” ani Go sa nauna niyang pahayag.
Kabilang din ang senador sa mga sumuporta sa Senate Bill No. 1513 o panukalang Comprehensive Lupus Prevention Act, na inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa noong Enero 26, 2026.
Layunin ng panukala na magtatag ng pambansang programa para sa lupus awareness, maagang pagtuklas, pagsusuri, paggamot at pangmatagalang pangangalaga sa mga pasyente.
Isinusulong din nito ang pagsaklaw ng PhilHealth sa mga pagsusuri para sa maagang pagtukoy sa sakit, lalo na para sa mga Pilipinong hindi kayang tustusan ang mga kinakailangang medical test.
Binigyang-diin ni Go ang pangangailangang palawakin ang access sa mga espesyalista at pasilidad pangkalusugan, partikular sa mga lalawigan at malalayong komunidad.
Giit ng senador, dapat matiyak na ang mga pasyenteng may lupus at iba pang chronic illnesses ay makatatanggap ng sapat at abot-kayang serbisyong medikal anuman ang kanilang kalagayang pinansyal.
Hindi pa batas ang Comprehensive Lupus Prevention Act at nananatiling nakabinbin ang panukala sa Kamara de Representantes. RNT