MANILA, Philippines – Iniimbestigahan na ng Bureau of Customs (BOC), katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI), Department of Agriculture (DA), at Philippine Coast Guard (PCG), ang tinatayang P524.27 milyong halaga ng mga produkto — karamihan ay agricultural commodities — na natagpuan sa isang warehouse sa Valenzuela City.
Katuwang ang Philippine Coast Guard ng Bureau of Customs (BOC), National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Agriculture (DA) sa imbestigasyon kasunod ng isinagawang inspeksyon.
Naglabas na ang BOC–Manila International Container Port (MICP) ng Warrant of Seizure and Detention noong Nobyembre 9, 2026, matapos matukoy ang hindi pagkakatugma sa inventory at import documents.
Batay sa initial investigation, walang sapat na dokumento na nagpapatunay sa legal na importation, pagbabayad ng tamang duties and taxes, at pagkakaroon ng kinakailangang permit mula sa DA.
May humigit-kumulang 41,033 sako ng pulang sibuyas at iba pang produkto na hindi maitugma sa mga isinumiteng dokumento.
Nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ang BOC–CIIS ng impormasyon mula sa NBI–NCR noong Oktubre 7 tungkol sa posibleng pag-iimbak ng mga agricultural products na lumalabag sa customs regulations.
Sa 100% physical inventory noong Oktubre 17, naitala ang:
99,289 sako ng pulang sibuyas – P372.3 milyon
20,886 sako ng beans at legumes – P103.7 milyon
18,016 kahon ng luya at carrots – P26 milyon
Natagpuan din ang peanut products, textured vegetable protein, laundry bluing powder, packaging materials, at apat na forklift. Kabuuang estimated market value na P524,274,355.
Batay sa packaging markings, nagmula ang ilan sa mga produkto sa China, Argentina, Australia, Indonesia, India, Myanmar, at Egypt. Hindi pa matukoy ang pinagmulan ng mga pulang sibuyas at ilan pang produkto.
Nananatiling secured at nasa ilalim ng customs guard ang mga produkto habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Sinusuri rin ang posibleng paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act of 2024. Jocelyn Tabangcura-Domenden