MATAPOS ang mahaba-haba ring pahinga, balik na naman tayo sa ingay at drama ng Impeachment trial sa Senado.
Gaya ng nauna na nating naisulat at inuulit ko, ang Impeachment na ito laban kay Vice President Sara Duterte ay upang patalsikin lamang siya sa poder nang sa gayon ay hindi na siya makatakbo sa 2028 presidential race.
Nagsanib ang mga “may sanib” na mga politiko sa panggigiba kay VP Sara upang sila ay manatili sa kapangyarihan at magawa ang mga hindi kanais-nais sa pondo ng bayan.
Ayon sa sarbey, maliit na bahagi lamang ang naniniwala na magiging patas ang resulta ng Impeachment. Sa totoo lang, mas lamang pa ang ingay at propaganda ng mga nag-uusig kaysa sa kanilang ebidensya. Kaya nga kung kailan nasa gitna na ng paglilitis, saka pa iniatras ang tatlo sa apat nilang reklamo.
Sa huli, ito ay labanan na ng tiwala ng publiko. At makikita naman sa iba’t ibang sarbey na mas pinagkakatiwalaan ng taumbayan ang taong pinaparatangan ng mga totoong tiwali sa pamahalaan.
@@@
Bukod sa Impeachment, mas mahalagang ating masubaybayan kung ano ang mangyayari sa pondo ng ating bayan sa pagpasok ng 2027.
Nabunyag na may ginagawang hindi kanais-nais ang mga nagpanukala ng badyet para sa susunod na taon. Napakalaking halaga ng pera ang pinag-uusapan.
Ang halaga ng badyet ay umaabot sa 7.2 trilyong piso — ang pinakamalaki sa kasaysayan.
Hindi natin maaaring ipagsawalang-bahala ang mga natuklasan ng People’s Budget Coalition na tangkang pambababoy ng mga kongresista sa pondo. Salamat sa grupong ito na aktibong nagsusuri sa ating pambansang badyet.
Natukoy ng PBC na mahigit 1 trilyong piso ang mga paglalaanan na maaaring magamit nang hindi wasto, kabilang ang 7,000 proyekto na ipinasok sa mga kaduda-dudang imprastraktura, ayuda para lamang sa mga kakilala, at iba pang gastusin na walang kasiguraduhan kung saan kukunin ang pondo.
Mantakin n’yo, kahit nakakulong na ang mga sinasabing nagsabwatan sa anomalya sa flood control, nagpatuloy pa rin ang mga bugok sa Kongreso sa pagtatangkang tayo ay manakawan na naman. Ang kakapal ng mukha!
Ipinapakita lamang nito na buhay na buhay pa rin ang bulok na sistema ng pagsasamantala sa pera ng bayan.
Hindi tayo umaasang mawawala agad ang katiwalian at hindi rin agad maitatama ang lahat ng mali sa badyet na ipinasa ng Kapulungan. Ngunit ang aktibong sama-samang pakikilahok ng lahat para bantayan ang mga mandarambong ay isang magandang simula para sa pagbabago.






