MANILA, Philippines – Makalipas ang isang oras ay binawian ng buhay ang isang 3 taong gulang na paslit matapos itong mabangga ng isang owner-type jeep nitong Martes, Nobyembre 10, sa Barangay Poblacion D, Rosario, Batangas.
Ang biktima na binawian ng buhay sa Metro Rosario Hospital sanhi ng timamong pinsala sa bahagi ng katawan ay kinilala sa Alyas Jayden, 3 anyos, naninirahan sa Barangay Gulod Labac ng nabanggit na lalawigan.
Pansamantalang nasa kustodiya ng pulisya ang driver na nakilala sa Alyas Tin 59, may-asawa, residente ng Barangay Quilo- Quilo Padre Garcia, Batangas.
Base sa inisyal na pagsisiyasat ng Rosario Municipal Police Station, dakong alas-9:55 umaga habang ang nasawing biktima at ina nito na si Alyas Nemesia ay nakatayo umano sa harap ng isang pampasaherong tricycle.
Napag-alaman na biglang nawalan ng control ang owner type jeep na may plakang DLR-484 na patungong northbound at aksidente nitong nabangga ang pampasaherong tricycle kung saan nakatayo ang mag-ina na ikinasawi ng tatlong taong gulang na biktima. Ellen Apostol