Home TOP STORIES QC Konsi Vargas hinimok ang mga taga-QC na maagang maghanda vs Super...

QC Konsi Vargas hinimok ang mga taga-QC na maagang maghanda vs Super El Niño

2
0

Mariing hinimok ni Quezon City Councilor Alfred Vargas ang mga residente at opisyal ng barangay na maghanda nang maaga sa Super El Niño, na inaasahang magdadala ng tagtuyot sa Metro Manila sa Enero.

Kaugnay nito ibinahagi ni Vargas, na namumuno sa Committee on Disaster Risk Reduction ng Sangguniang Panlungsod, ang mga ulat mula sa United Nations at PAGASA na nagpapakitang lalawak ang tagtuyot sa buong Luzon, kabilang ang National Capital Region, sa mga susunod na buwan. Posible itong makaapekto sa suplay ng tubig, pagkain, at kuryente.

“Sinasabi po natin ito sa publiko hindi para manakot, kundi para makapaghanda tayo ng maaga at hindi mabigla sa maaaring epekto ng Super El Niño,” ani Vargas.

Samantala upang maprotektahan ang mga pamilya sa problemang pangkalusugan dulot ng matinding init, pinayuhan ng mambabatas ang mga residente na dalasan ang pag-inom ng tubig, magsuot ng preskong damit, gumamit ng payong o sumbrero kapag nasa labas, at iwasan ang mabibigat na gawain sa mga oras na pinakamainit.

Ayon kay Vargas, dapat ding mag-imbak ang mga pamilya ng sapat na inuming tubig kung sakaling magkaroon ng mga pagkaantala sa serbisyo, iwasan ang panic buying, at huwag i-overload ang mga saksakan dahil inaasahang tataas ang pangangailangan sa kuryente.

“Marami po tayong kayang gawin na ngayon para sama-sama nating malampasan ang pagsubok na ito. We still have time to prepare,” aniya.

Nanawagan din si Vargas ng espesyal na pag-aalaga sa mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs). Hinikayat niya ang mga pamilya at tagapag-alaga na dalhin sila sa maaliwalas na bahagi ng bahay, painumin ng tubig nang madalas, at kumunsulta sa mga doktor kung makaaapekto ang init sa kanilang mga gamot. Ang mga residenteng makakaranas ng matinding pagkahilo, pagkalito, o hindi na pagpapawis ay dapat agad tumawag sa QC Hotline 122.

“Tandaan po nating alagaan at bantayan nang mas mabuti ang ating mga lolo, lola, at PWD. Lalo na po ang mga bedridden o hirap magsabi ng nararamdaman na mas kailangan ang tulong natin sa mga panahong ito,” pahayag ni Vargas.

Kaugnay nito sinabi ni Vargas, handa ang Quezon City na tulungan ang mga residente. Sa ilalim ni Mayor Joy Belmonte, na namumuno sa QC Heat Action Team, itinalaga ng lungsod ang 32 pampublikong aklatan bilang cooling centers, at sinigurong bukas 24 oras ang Hotline 122 para tumugon sa mga emergency.

“Nasa QC na ang mga sistema, manpower, at ang diwa ng bayanihan. Ang kailangan natin ngayon ay maging maagap, magtulungan, at alagaan ang bawat miyembro ng ating pamilya. Kakayanin natin ito basta sama-sama,” dagdag ni Vargas.  (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here