MANILA, Philippines – Naka-full alert na rin ang Manila Electric Company o Meralco upang masiguro na hindi maaapektuhan ang serbisyo at suplay ng kuryente sa pagdaraos ng ika-49 ASEAN Summit at kaugnay na mga pagpupulong ngayong 2026.
Sinabi ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga sa Kapihan sa Manila Bay na nakumpleto na ang kanilang inspeksyunon, validation at pagsusuri sa iba pang mga critical electrical facilities sa mga lugar na pagdarausan ng summit at iba pang mahahalagang pasilidad sa Pasay, Maynila at Makati.
Nakaposisyon na rin aniya ang mga standby crew at emergency response team upang mabilis na makatulong sakaling magkaroon ng power interruption o iba pang problema sa kuryente.
“Sinisiguro namin na nakahanda ang ating pasilidad para hindi magka-aberya yung amino serbisyo. Alam naman natin gaano ka-kritikal Yung kuryente kapag mayroong ganitong mga events,” saad ni Zaldarriaga.
Ayon pa kay Zaldarriaga, nakikipag-ugnayan ang Meralco sa Department of Energy o DOE, grid operator at National Intelligence Coordinating Agency para sa seguridad at katatagan ng suplay ng kuryente.
Nakumpleto na rin aniya ang mga kinakailangang security at access clearance ng mga tauhan na itatalaga sa mga summit venue.
Tiniyak din ng Meralco na may nakahandang contingency plans upang maiwasan ang pagkaantala ng serbisyo habang ginagawa ang ASEAN Summit. Jocelyn Tabangcura-Domenden