Home NATIONWIDE Batang babae patay sa humaharurot sa police car

Batang babae patay sa humaharurot sa police car

2
0

MANILA, Philippines – Patay ang isang walong taong gulang na batang babae habang sugatan ang kaniyang 51-anyos na lola matapos banggain ng humaharurot na police patrol car ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Koronadal City, South Cotabato nitong Martes, Nobyembre 10.

Nangyari ang aksidente dakong alas-6:40 ng umaga sa intersection ng General Santos Drive at Sinsuat Street, Barangay Zone 4, matapos umanong sumagasa sa pulang traffic light ang police car.

Kinilala ang mga biktima na sina “Mina,” 8, at ang kaniyang lola na si Meriam Salan Antiquera, 51, kapwa residente ng Purok Silangan, Barangay Morales.

Kinilala naman ang drayber ng police patrol car na si Cpl. Elton John Javien Rombawa, 30, na nakatalaga sa 1st Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company.

Sa panayam, sinabi ni Antiquera na berde ang ilaw ng kanilang linya at nagbigay-daan naman ang iba pang mga sasakyan bilang pagsunod sa batas-trapiko.

Gayunman, mabilis pa rin umanong papalapit ang police car habang tumatawid sila sa intersection bago sila nabangga.

Tumilapon umano nang ilang metro ang bata mula sa motorsiklo at nagtamo ng malubhang pinsala sa ulo.

Una siyang dinala sa isang pribadong ospital ngunit kinailangang ilipat sa ibang pasilidad dahil sa kakulangan ng sapat na kagamitang medikal at mga doktor.

Kalaunan ay binawian din siya ng buhay, habang nagpapagaling naman ang kaniyang lola.

Nagpaabot ng pakikiramay si South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo Jr. sa pamilya ng biktima at tiniyak ang tulong ng pamahalaang panlalawigan.

Ipinahayag din ni Tamayo ang kaniyang lungkot at galit sa nangyari at nangakong pananagutin sa ilalim ng batas ang mga responsable.

Ayon naman kay Police Regional Office 12 Director Brig. Gen. Alan Manibog, isinailalim sa kustodiya ng pulisya si Rombawa matapos ang insidente.

Iniutos din ni Manibog na sumailalim ang pulis sa drug at alcohol tests bilang bahagi ng imbestigasyon.

Inatasan din niya ang Koronadal police na magsampa ng kaukulang kaso laban sa drayber at sa kaniyang commissioned officer, depende sa resulta ng imbestigasyon at mga makakalap na ebidensya.

Sa pahayag ng PRO-12, tiniyak nitong magiging patas at malinaw ang imbestigasyon at walang sinumang makalalampas sa batas.

Kasunod ng insidente, naglabas din ang PRO-12 nitong Miyerkules ng direktiba sa lahat ng police commander na mahigpit na ipatupad ang mga patakaran sa ligtas na pagmamaneho at wastong paggamit ng mga sasakyan ng pamahalaan.

Muling iginiit sa direktiba ang isang memorandum noong Hunyo 25 na nagsasaad na ang mga aksidenteng dulot ng kapabayaan, kawalan ng pag-iingat, kakulangan sa superbisyon o hindi pagsunod sa mga batas-trapiko at safety procedures ay maaaring humantong sa kaukulang administratibong aksyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here