Home NATIONWIDE Isko kabilang sa mga mayor na may mataas na trust, performance rating...

Isko kabilang sa mga mayor na may mataas na trust, performance rating sa NCR

3
0

MANILA, Philippines — Nakakuha ng 88.06 porsiyentong kabuuang marka si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa pinakahuling Boses ng Bayan Index of Governance ng RPMD Foundation Inc., batay sa antas ng tiwala at pagtatasa ng publiko sa kanyang pamumuno.

Naitala ni Domagoso ang 87.50 porsiyentong public trust rating at 88.63 porsiyentong performance rating, dahilan upang mapabilang siya sa mga alkalde sa National Capital Region (NCR) na nakakuha ng mataas na marka sa nasabing survey.

Isinagawa ang independiyenteng survey ng RPMD Foundation Inc., katuwang ang iSTORYA News at 1News.ph, noong Nobyembre 2 hanggang 7, 2026, na nilahukan ng 5,000 respondent mula sa iba’t ibang sektor ng Metro Manila.

Sinusukat sa pag-aaral ang tiwala ng mga residente sa kanilang mga alkalde at ang kanilang pagtatasa sa paghahatid ng mga serbisyong pampubliko, kabilang ang kalusugan, edukasyon, pabahay, imprastraktura, trabaho, kapayapaan at kaayusan.

Sa ilalim ng administrasyong Domagoso, kabilang sa mga pangunahing programa ng Maynila ang pagpapaunlad ng mga in-city vertical housing project na naglalayong mabigyan ng disenteng tahanan ang mga pamilyang Manileño nang hindi napapalayo sa kanilang trabaho at kabuhayan.

Kabilang din sa mga prayoridad ng alkalde ang pagpapabuti ng mga pampublikong ospital, pagsasaayos ng mga kalsada, sanitasyon, urban renewal at pagpapalawak ng tulong sa mga komunidad na nangangailangan.

Ayon sa RPMD, lahat ng 17 alkalde sa NCR ay nakapasa sa itinakdang 55 porsiyentong benchmark ng kanilang Index of Governance, na nagpapakita ng pangkalahatang positibong pananaw ng mga residente sa kanilang mga lokal na lider.

Gayunman, iginiit ng RPMD na dapat magsilbing salamin ang resulta ng survey sa mga alkalde upang malaman kung saan pa kailangang pagbutihin ang kanilang pamamahala at pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan.

Para kay Yorme Isko, hamon ang patuloy na pagtitiyak na ang tiwalang ipinagkakaloob ng mga Manileño ay nasusuklian ng konkretong programa at serbisyong ramdam ng bawat pamilya. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here