MANILA, Philippines – Pito sa bawat 10 pagkamatay ng Pilipino ay sanhi ng noncommunicable diseases na kaugnay ng hindi malusog na pamumuhay, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Miyerkules, Nobyembre 11.
Nakaaambag ang paggamit ng tabako sa mahigit 95,000 pagkamatay kada taon, habang ang labis na pag-inom ng alak ay kaugnay ng mahigit 27,000 pagkamatay.
Mahigit 4,000 pagkamatay naman ang naiugnay sa mataas na pagkonsumo ng asukal.
Hinimok ng DOH ang Kongreso na ipasa ang sin tax reform at itaas ang buwis sa mga sin product tulad ng alak, tabako, at mga produktong may asukal upang maiwasan ang mga pagkamatay na may kaugnayan sa lifestyle.
Layunin ng Senate Bill No. 1074 na magpataw ng karagdagang buwis sa mga sin product, kabilang ang e-cigarettes.
Layunin din nito na ilaan ang makokolektang kita upang pondohan ang pagpapatupad ng Universal Health Care law.
Sinabi ng DOH, na kailangang itaas ang buwis sa mga nakakapinsalang produkto upang gawing hindi gaanong abot-kaya ang mga ito, bawasan ang pagkonsumo, pigilan ang maagang pagkamatay, at makalikha ng napapanatiling pondo para sa Universal Health Care. Jocelyn Tabangcura-Domenden