Home NATIONWIDE MMDA: Mabigat na daloy ng trapiko, asahan sa ASEAN Summit

MMDA: Mabigat na daloy ng trapiko, asahan sa ASEAN Summit

1
0

MANILA, Philippines — Inaasahang bibigat ang trapiko sa EDSA kasunod ng pagpapalawak sa busway at iba pang paghahanda para sa 49th ASEAN Summit sa Metro Manila.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), inilipat ang ilang barrier sa ikalawang lane ng EDSA upang mabigyang-daan ang mga convoy ng dayuhang delegado na gagamit ng busway.

Sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes na maaaring magdulot ng kalituhan at pagbagal ng trapiko ang mga pagbabago sa kalsada, kabilang ang mga kasalukuyang road repair.

Ipinaliwanag naman ng Department of Transportation (DOTr) na kailangang palawakin ang dadaanan dahil hindi sapat ang isang lane para sa mga convoy ng mga dadalo sa summit.

Kaugnay nito, humiling ang DOTr sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ng karagdagang babala at karatula sa mga lugar na may road reblocking upang maiwasan ang aksidente.

Magpapatupad din ng stop-and-go traffic scheme habang dumaraan ang mga delegado. Ayon kay Artes, inaasahang hindi lalampas sa limang minuto ang pansamantalang pagpapatigil sa mga sasakyan sa bawat pagdaan ng convoy.

Nilinaw ng MMDA na walang planong malawakang pagsasara ng mga kalsada sa Metro Manila, maliban sa ilang lugar malapit sa Philippine International Convention Center (PICC), kung saan isasagawa ang mga aktibidad ng summit.

Samantala, iniutos ni DOTr Secretary Vince Dizon ang pagdaragdag ng 50 bus sa EDSA Busway simula Nobyembre 12 upang matugunan ang pagdami ng mga pasahero.

Tinatayang 30,000 karagdagang pasahero kada araw ang kayang pagsilbihan ng mga bus, habang may nakatakda pang idagdag sa Disyembre.

Nauna nang idineklara ng Malacañang ang Nobyembre 16 hanggang 18 bilang special non-working days sa Metro Manila kaugnay ng ASEAN Summit.

Pinayuhan naman ang mga motorista na maghanda sa posibleng pagbabago sa daloy ng trapiko habang nagpapatuloy ang mga paghahanda para sa pandaigdigang pagtitipon. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here