Home NATIONWIDE Trump, dadalo sa ASEAN-US Summit sa Maynila sa Nov. 17

Trump, dadalo sa ASEAN-US Summit sa Maynila sa Nov. 17

6
0

MANILA, Philippines — Kumpirmadong dadalo si US President Donald Trump sa ASEAN-United States Special Summit sa Nobyembre 17 sa Pasay City, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Bahagi ang pagbisita ng Pangulo ng Amerika sa 49th ASEAN Summit and Related Summits na pangungunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Batay sa inilabas na programa ng DFA nitong Miyerkules, Nobyembre 11, magbubukas ang ASEAN Summit sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Nobyembre 15, habang isasagawa ang mga pagpupulong kasama ang mga dialogue partner sa Nobyembre 16 at 17.

Sa Nobyembre 17, pangungunahan din ni Marcos ang 29th ASEAN Plus Three Summit at 21st East Asia Summit, kung saan tatalakayin ang mga usaping panseguridad, pampulitika at pang-ekonomiya sa rehiyon.

Pangungunahan din ng Pangulo ang seremonya ng pagtatapos at pormal na paglilipat ng ASEAN chairmanship sa Singapore bago ang ASEAN-US Special Summit na dadaluhan ni Trump.

Kabilang sa iba pang mga lider na inaasahang dadalo ang mga kinatawan ng China, Japan, South Korea, Australia at India.

Makikilahok din bilang Guests of the Chair sina Canadian Prime Minister Mark Carney at Brazilian President Luiz Inácio Lula da Silva, gayundin ang International Monetary Fund.

Samantala, nakatakdang magsagawa ng isang araw na tigil-pasada ang transport group na PISTON sa Nobyembre 16 bilang protesta sa pagbisita ni Trump.

Ayon kay PISTON President Mody Floranda, bahagi ito ng serye ng mga kilos-protesta laban sa mga patakaran ng administrasyong Trump na umano’y nakaaapekto sa kabuhayan ng mga Pilipino.

Huling bumisita si Trump sa Pilipinas noong Nobyembre 2017 para sa 31st ASEAN Summit sa panahon ng kanyang unang termino bilang pangulo ng Estados Unidos. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here