NANAWAGAN ang lahat ng 20 senador kay Pangulong Bongbong Marcos na magdeklara na ng state of calamity para sa buong bansa laban sa super El Nino na nagsimula nang manalasa, lalo na sa hanay ng mga magsasaka at mangingisda.
Kasama sa kahilingan ang paglalabas ng Malakanyang ng P39 bilyong quick response fund para gamitin na laban sa mga kalamdad na likha ng super El Nino.
Kasama rin ang pagpapatupad na ng maksimum na presyo ng mga pangunahing bilihin, pagtukoy at paghuli sa mga hoarder at profiteer o nagsasamantala sa kalamidad, pagbibigay-hanapbuhay sa mga magsasaka at mangingisda at iba pang nasa sektor ng agikultura.
Naging batayan ng mga senador sa kanilang kahilingan ang ulat mismo ng pamahalaan na mabilis na lumaki ang mga kasiraan, lalo na sa agrikultura na umabot na sa P6.87 bilyon.
Alalahanin pa na kung tutuusin, kasisimula pa lang ang super El Nino at tatama ang pinakamasamang epekto nito pagdating ng Marso hanggang Mayo 2027.
Wala namang boses na katulad nito ang nasa 317 kongresman na pandistrito at party-list, maliban sa iilan.
Sila pa naman ang nagsasabing direktang nakararamdam at nakaaalam sa kalagayan at pangangailangan ng mga mamamayan.
PALASYO TUMANGGI
Tinanggihan naman ng Malakanyang ang kahilingan ng Senado.
Katwiran ni Palace Press Officer Claire Castro, natutugunan ang mga problema at pangangailangan ng mga biktima.
Kumikilos mismo ng Department of Social Welfare and Development para sa ayuda, National Irrigation Administration para sa patubig sa mga sakahan at iba pang mga ahensya.
Ayon sa DSWD, nakapamigay na ito ng nasa P141 milyon hanggang sa P820M sa lahat ng 191,000 pamilya sa halagang P10,000 bawat pamilya, partikular ang mga magsasaka at mangingisda, kabilang na ang mga sadyang hindi nagtanim ngayon sa katwirang masisira lang ang kanilang mga pananim.
Kasama sa mga lugar na roon nagpamigay ng ayuda ang DSWD ang Cagayang Valley, Bicol Region, Calabarzon, Mimaropa, Iloscos Region, ilang nasa Visayas at Mindanao.
Aktibong nagtatayo naman ang NIA ng mga solar power para sa mga irigasyon, gaya ng nangyari sa Cagayan.
HINDI BIRO-BIRO AT TUMITINDING KAHIRAPAN
Kung iisipin talaga, hindi biro-biro ang napakahira nang kalagayan ng mga biktimang milyon-milyon ang bilang.
Matagal nang kalagayan, halimbawa, na ang mga magsasaka at mangingisda, sa kabila ng sila ang naghahatid sa ating mga hapag-kainan ng mga pagkain, marami sa kanila ang biktima mismo ng kahirapan at gutom.
Isipin na lang na maraming magsasaka ang manggagawang bukid lang at lalong dumami ang mga ito na nawalan ng pagkakitaan o pagbentahan ng pawis nang gumanda ang mga gamit sa produksyon, gaya ng mga reaper at pagbabalik sa direct planting na hindi nangangailangan ng maraming manggagawa.
Sa parte ng mga mangingisda, naririyan ngayon ang pagsasara ng mga pangisdaan sa Mindanao at Visayas.
Ngunit malaki talaga ang epekto ng katotohanang marami nang pangisdaan ang may kakaunting huli habang nagsimula nang matuyo ang mga fishpond at magkaroon ng peste rito, o kaya’y hindi mabenta ang mga isda at iba pa na lasang gilik mula sa mga lawa at tabing-dagat.
Dapat pag-isipan nang husto ng Malakanyang ang kahilingan ng mga senador at ilang kongresman para sa deklarasyon ng state of calamity at paggamit nang husto ng pambansang calamity fund.






