ISANG iligal na gawain ang patuloy na nagbabanta sa industriya ng langis at ekonomiya ng bansa—ito ang tinatawag na “paihi.”
Hindi lang ito usaping pagnanakaw, ito rin ay may panganib sa kalusugan, kaligtasan at kalikasan. Ginagawa ang “paihi” sa pamamagitan pagsipsip, paglilipat o pagkuha ng gasolina at diesel mula sa mga kakutsabang tanker truck o barko upang ibenta sa ibang mamimili nang walang kaukulang dokumento, permit at pagbabayad ng buwis. Isa itong gawaing may malawak na epekto sa pambansang ekonomiya. Kaya dapat lamang na mapigilan ang sinomang kasabwat sa gawaing ito.
Una, nalulugi ang pamahalaan dahil sa hindi binabayarang buwis at excise tax. Ang perang dapat sana’y napupunta sa edukasyon, kalusugan, imprastraktura at serbisyong publiko ay napupunta sa bulsa ng mga iligalista.
Ikalawa, naaapektuhan ang mga lehitimong kompanya ng langis at gasolinahan. Hindi makatarungan ang kompetisyon kapag ang isang negosyante ay nagbabayad ng buwis, sumusunod sa regulasyon at gumagastos para sa kaligtasan, samantalang ang iba ay kumikita sa iligal na pamamaraan.
Ikatlo, nanganganib tayo dito, dear readers. Ang hindi awtorisado at hindi nasuring petrolyo ay maaaring magdulot ng problema sa makina, habang ang iligal na pag-iimbak at paglilipat nito ay nagbubukas ng panganib ng sunog, pagsabog at polusyon.
Noong Hunyo 2025, nakasamsam ang Bureau of Customs ng tinatayang 259,000 litro ng diesel na nagkakahalaga ng ₱219.5 milyon sa isang operasyon laban sa paihi sa La Union. Patunay ito na hindi maliit na operasyon ang problemang ito.
Sa ilalim ng umiiral na batas, may pananagutan ang mga sangkot sa iligal na kalakalan ng produktong petrolyo.
Kailangan ang mas mahigpit na pagbabantay ng DOE (Department of Energy), BOC, Philippine National Police at iba pang ahensya. Dapat ding maging mapagmatyag tayong lahat, dear readers. Kaya kung meron kayong nakita o narinig tungkol sa “paihi”, mangyaring ipagbigay alam ito sa mga awtoridad o kaya naman ay mag-email kayo sa [email protected] upang makagawa tayo ng aksyon, matunton at makulong ang sinomang sangkot.
Ang “paihi” ay sumisipsip hindi lamang ng langis kundi pati ng yaman at kinabukasan ng ating bayan.






