AYON sa Joint Administrative Order 2014-01, kapwa itinuturing na paglabag sa prangkisa ang overcharging o paniningil ng mas mataas na pasahe kaysa itinakda ng LTFRB at undercharging o paniningil ng mas mababa sa aprubadong pamasahe.
Karaniwang reklamo ng mga pasahero ang sobrang singil. Wala namang magrereklamo kung mas mababa ang pamasahe. Gayunman, maaaring maghain ng reklamo ang kakompetensya sa parehong ruta.
Pareho rin ang multa sa dalawang paglabag: P5,000 sa unang offense; P10,000 sa ikalawa, kasama ang impoundment ng sasakyan; at P15,000 sa ikatlo, kasama ang pagbawi sa prangkisa.
Nagbibigay naman ng due process ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board upang marinig ang panig ng operator sa pamamagitan ng Show Cause Order.
Bakit magkapareho ang pagtrato sa dalawang paglabag?
Dahil maaari itong magdulot ng pagbaluktot sa fare matrix, hindi patas na kompetisyon sa merkado, predatory pricing at iba pang negatibong epekto sa operasyon ng pampublikong transportasyon.
Paano naman ang mga promo fare? Hindi ito itinuturing na undercharging kung bahagi ng estratehiya sa marketing, gaya ng pagbibigay ng promosyon sa panahon ng mababang demand o off-peak season.
Mahigpit na kinokontrol ang pamasahe sa pampublikong transportasyon. Mahigpit ding ipinag-uutos ang pagbibigay ng diskwento sa mga senior citizen, estudyante at persons with disabilities o PWD.
Paano naman ang libreng sakay?
Pinahihintulutan ito ng LTFRB, halimbawa, kapag programa ng mga lokal na pamahalaan, basta hindi naaapektuhan ang mga operator na may prangkisa sa rutang pinagseserbisyuhan. Maaari rin itong ipatupad kapag napaparalisa ang biyahe dahil sa welga o iba pang pangyayaring nangangailangan ng libreng transportasyon.
May iba pang diskarte sa pasada, gaya ng cutting trip o tinatawag na “ulo-ulo” upang mapalaki ang kita. May ilan ding nagdaragdag ng upuan lampas sa itinakdang kapasidad ng sasakyan.
Kaya mahalagang bantayan ng Department of Transportation at LTFRB ang pagpapatupad ng mga patakaran sa pamasahe. Dapat maging patas ang sistema para sa mga tsuper, operator at pasahero, nang hindi sinasakripisyo ang kaligtasan, maayos na kompetisyon at karapatan ng bawat panig.






