ISANG malaking kabalintunaan: may 80,000 condominium unit sa Metro Manila na hindi mabenta, marami’y itinayo para sa ngayo’y naglaho nang offshore gaming market. Nakatengga ang mga ito. Samantala, milyon-milyong Pilipino ang walang disenteng tirahan.
Diretsahang tanong ni Sen. Francis Escudero sa podcast: “Bakit magtatayo mula sa simula kung mayroon nang mga unit na maaaring ipagamit sa ating mga kababayan?”
Magandang tanong. At nauubos ang panahon. Ang mga gusaling walang nakatira ay hindi naghihintay. Kung walang nangungupahan, walang nag-aayos ng tagas o nakapapansin ng mga bitak. Kapag pinabayaan, unti-unting masisira ang mga natapos nang investment. Sayang kung kapwa maubusan ng panahon ang pamilyang Pilipino at ang mga konkretong gusali.
Pinapayagan na ng DHSUD (Department of Human Settlements and Urban Development) ang mga developer na isama sa 4PH program ang sobrang imbentaryo, bagaman maaaring lumiit ang tubo o malugi sila. Kaya kailangang manggaling sa pinakamataas na antas ang pampulitikang determinasyon. Sa Senate Bill 2571, maaaring kilalaning akreditadong socialized housing ang mga unit na handa nang tirahan. Dapat sumunod ang Pag-IBIG at iba pang nagpapautang sa mas mababang interes, mas mahabang hulugan at abot-kayang upa.
Dapat pangunahan ito ni Pangulong Marcos. Sa State of the Nation Address 2022, nangako siyang magtatayo ng 6.15 milyong bahay bago matapos ang termino. Kalaunan, ibinaba ng DHSUD ang target sa 1.13 milyon pagsapit ng Hunyo 2028. Kahit ang ipinagmalaking “500,000 bahay” sa SONA ngayong taon ay mapagbigay na bilang: 81,295 lamang ang direktang itinayo, habang 368,731 pamilya ang tinulungan sa pamamagitan ng pautang. Wala pang 100,000 bagong bahay laban sa pangakong anim na milyon? Hindi ito simpleng kakulangan. Isa itong pangakong napako.
Lalong mabigat ito dahil walang pananggalang ang ekonomiya. Iniulat ng Philippine Statistics Authority noong Nobyembre 9 na 2.1% lamang ang paglago ng GDP sa ikatlong quarter, ikalimang sunod na quarter ng paghina. Vietnam, 9.95%; Indonesia, 5.47%; Singapore, 5.40%; Malaysia, 5.30%. Tayo ang kulelat.
Gayunman, may mga oportunidad sa real estate na tila minahan ng ginto. Ayon kay appraiser Jose Maria Fernandez-Cuervo sa “Follow the Money” ng Bilyonaryo, tumaas nang 600% ang halaga ng lupa sa Porac, Pampanga mula 2015 hanggang 2025, at halos 300% sa Cavite. Umaakyat din ang presyo sa Bulacan dahil sa inaabangang New Manila International Airport. May potensyal din sa Batangas, kahabaan ng STAR Tollway at daan patungong Nasugbu, gayundin sa Iloilo, Cebu, Davao at Cagayan de Oro. Simple ang tuntunin: sundan ang highway. Simple rin ang babala: puntahan muna ang lugar.
Bumabalik tayo sa punto ni Sen. Chiz Escudero. Dapat sunggaban ng DHSUD, sa pangunguna ng Pangulo, ang bawat oportunidad — bakanteng condominium, idle na lupa o bagong kalsada — upang mailapit ang disenteng pabahay sa mga walang tahanan.
Dapat bigyan ng gobyerno ang bawat Pilipino ng kakayahang magkaroon ng sariling bahay. Ngunit kailangan ding magsikap ang manggagawa at tumulong sa pagtatayo nito. Mangyayari lamang ito kung bibigyan siya ng gobyerno ng matibay na sandigan: hulugang kaya, upa o rent-to-own, makatarungang presyo, tubig, kuryente, paaralan, transportasyon at trabaho malapit sa tirahan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






