ANYARE at lalong bumagsak ang ekonomiya ng Pinas habang lumalakad ang panahon?
Ito kasing Philippine Statistics Authority, eh, inianunsyo na bumagal o sabihin na nating bumagsak ito sa ikatlong kwarto ng taon o mga buwan ng Agosto hanggang Setyembre 2026 sa 2.1%.
Para malinaw, noong Enero hanggang Marso 2026, may paglago ang ekonomiya na 2.8% at noong Abril hanggang Hunyo, bumaba sa 2.4%.
Sinusukat, mga brad, ang paglago ng ekonomiya mula sa Gross Domestic Product na kabuuang halaga ng produkto at serbisyong nalilikha sa isang taon kumpara sa nakaraang taon.
Noong 2025, sa unang kwarto, may paglago sa ekonomiya na 5.4%; ika-2 kwarto – 5.5%; ika-3 kwarto – 4.0%; at ika-4 kwarto – 3.0% batay sa noo’y P28 trilyong GDP.
Kumpara sa 2026, malaki ang ibinaba ng pag-unlad natin.
Ngayong 2026, inasahang tataas sa P30T mula Enero hanggang Disyembre kaya P2T ang ilalago at inasahang uunlad ang ekonomiya.
Pero anong nangyari at pababa nang pababa ang ating pag-unlad at taliwas sa pinangarap ng gobyerno na lalago ang ekonomiya sa 3.5% hanggang 4.5%?
Sa 3.5%-4.5%, dapat nanganak ang P30T produkto at serbisyo ng P1 trilyon hanggang P1.3 trilyon.
Pero ang nangyari, nanganak lang ang P30T ng P840 bilyon sa unang kwarto; P720B noong ika-2 kwarto; at P630B nitong ika-3 kwarto.
Ang sabi nila, bumagal o bumabagsak ang ekonomiya dahil sa masamang panahon o kalamidad, mas kakaunting nagagawa at mas maliit na pondo para sa imprastraktura at pagtitipid sa gastos ng pamahalaan.
Pero ang sabi naman ng Asian Development Bank at World Bank, hindi talaga uunlad ang Pinas dahil nasa maleta at nasa bulsa ng mga korap ang pera at hindi inilalabas para gastusin sa pagpapalago ng mga produkto at serbisyo.
Sa ibang salita, napakalaking kalamidad ang korapsyon gaya ng nabuking nang P1.3T dinorobo sa flood scandal pa lamang at hindi pa kasali ang korapsyon sa iba’t ibang departamento ng gobyerno at sa mga local government unit.
Ano sa palagay ninyo, mga brad?






