NAGING katawa-tawa ang naganap na paglilitis sa kasong “hindi maipaliwanag na yaman” umano ni Vice President Sara Duterte.
Unang nakatatawa ang sagot ni Davao City Assessor Engr. Jaime G. Adalin kay prosecution lawyer Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. sa tanong sa kanya kung nagpunta ito sa China sa halip na mag-concentrate sa nasabing isyu sa impeachment.
Sagot ni Adalin kay Tolosa, “irrelevant”…walang anomang kaugnayan sa pinag-uusapan.
Pero ipinilit pa rin ni Tolosa na mahalagang-mahalaga ang tanong para matesting umano ang kredibilidad ni Adalin.
At maging si Presiding Officer Chiz Escudero, sinabing”funny” o nakatatawa ang sagot ni Adalin kay Tolosa.
Lalo’t nakatatawa dahil hindi na hinintay ni Adalin ang objection ni Atty. Lindon Miguel C. Bacquel na abogado niya.
Ang nakatatawa pa, sumakay ang ilang senator-judge sa isyu ng China sa halip na sa tunay na isyu.
Hmmm…nakatatawa talaga.
At si Adalin pa ang binakbakan ng ilang senator-judge…hindi si Tolosa na irrelevant ang tanong ukol sa isyung China.
NAROON SA SALN NI VP SARA
Ipinagpipilitan ng prosekusyon na hindi isinama ni VP Sara sa kanyang SALN ang isang property o ari-ariang lote at istruktura na pag-aari ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio na nagkakahalaga ng milyon-milyong piso na nasa Davao City.
Matatagpuan ang 379 square meter property sa Brgy. Matina Crossing at Brgy. 74-A ngunit lumikha ng pagdududa dahil lumalabas na magkaiba ang dalawang lugar na ito.
Gayunman, pinakamahalaga ang hindi pagdedeklara nito sa SALN, ayon sa prosekusyon, at bahagi ito ng mas malaking halaga na ibinibintang nilang “hindi maipaliwanag na yaman ni VP Sara.”
Pero pinatunayan ni Adalin ang kabaligtaran nito sa pagpiprisinta ng tax declaration na tumutugma sa fair market value sa tinutukoy nitong ari-arian.
At nasa SALN iyon ni VP Sara.
Inihayag din mismo ni Presiding Officer Chiz Escudero na magkatugma ang tax declaration at titulo ng lupa na Transfer Certificate of Title 0755.
MAGKAKAIBANG PANANAW AT HIGIT NA PULITIKA
Siyempre pa, lumikha ng iba’t ibang reaksyon ang naganap.
Pangunahing pinuna ang pagsingit ng prosekusyon at pagpatol ng ilang senator-judge sa isyung China ni Tolosa.
Ano nga ba ang kaugnayan ng pagpunta sa China nina Adalin sa isyung “hindi maipaliwanag na yaman?”
Sabi naman ng iba, dapat sanang nakatuon ang atensyon ng mga ito sa akusasyon ng prosekusyon na hindi maipaliwanag na yaman.
May isang napakahalaga ring punto umano ni Tolosa…ang pagpipilit nitong ilagay na lang sa stipulation ang lugar na kinaroonan ng ari-arian ngunit hindi pumayag ang depensa sa katauhan ni Bacquel.
Sabi Bacquel, dapat matalakay ito dahil bahagi ito ng pagpipilit ng prosekusyon na kaduda-duda ang lugar ng property at kung gayon, kuwestiyonable ang ari-arian na idineklara o hindi idineklara sa SALN.
Kung saan patungo ang mga usaping ipiniprisinta ng depensa, lalong lilinaw ang lahat sa pagdaan ng mga araw ng paglilitis.
May problema nga lang…higit na pulitika o panlalaglag ng “kaaway” at hindi ligal gaya ng ebidensya, ang lumilitaw na pagbabatayan ng desisyon.
Kaya naman, parehong magbibigay ng hatol ang magkabilang panig ng mga senador dahil sa pulitika at hindi sa merito ng kaso, lalo’t malapit na ang halalang 2028…kung matutuloy at hindi haharangin.






