MANILA, Philippines — Patay ang dalawang magkapatid na edad siyam at 14 matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin habang sakay ng motorsiklo sa Barangay Pagangan, Aleosan, Cotabato, madaling araw ng Martes, Nobyembre 10.
Batay sa paunang ulat ng Aleosan Municipal Police, hinarang umano ng mga armadong lalaki ang sinasakyang motorsiklo ng magkapatid bago sila pinagbabaril.
Nagtamo ng maraming tama ng bala ang dalawang bata na isinugod pa sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa pamamaril.
Kabilang sa mga sinisilip na posibleng motibo ang alitan ng mga pamilya o rido, ngunit hindi pa ito kumpirmado ng mga imbestigador.
Kinondena naman ni Cotabato Governor Emmylou Taliño-Mendoza ang pagpatay sa magkapatid na tinawag niyang paglabag sa karapatan ng mga bata.
Nanawagan din ang gobernador sa pamunuan ng Special Geographic Area ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (SGA-BARMM) na makipagtulungan sa mga awtoridad upang matukoy at maaresto ang mga responsable.
Samantala, nagsasagawa na ng pagtugis at checkpoints ang mga pulis upang matunton ang mga salarin.
Hinimok din ng Aleosan Police ang publiko na iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon at agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang detalye na makatutulong sa imbestigasyon. Mary Anne Sapico