Home NATIONWIDE P10K ayuda sa vendors na sapul ng ASEAN Summit, ibibigay ng DSWD

P10K ayuda sa vendors na sapul ng ASEAN Summit, ibibigay ng DSWD

1
0

MANILA, Philippines — Patuloy ang pagbibigay ng hanggang ₱10,000 tulong pinansyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga vendor at manggagawang nawalan ng kita dahil sa pansamantalang pagpapasara ng kanilang mga negosyo bilang paghahanda sa ASEAN Summit sa Pasay City.

Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, maaari pang humingi ng ayuda ang mga apektadong hindi pa nakatatanggap ng tulong mula sa pamahalaan.

Sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program, maaaring makatanggap ng tulong pinansyal ang mga kwalipikadong benepisyaryo depende sa pagsusuri ng mga social worker.

Nauna nang nabigyan ng tig-₱10,000 at family food packs ang 30 vendor na naapektuhan ng mga paghihigpit sa operasyon ng mga negosyo sa paligid ng mga lugar na pagdarausan ng summit.

Sinabi ni Dumlao na hindi lamang naghihintay ang DSWD ng mga lalapit para humingi ng tulong.

Sa halip, umiikot ang kanilang mga social worker kasama ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan upang matukoy ang iba pang nawalan ng pagkakakitaan.

Pinayuhan ang mga apektadong vendor na makipag-ugnayan sa Pasay City government o City Social Welfare and Development Office upang mairefer sa DSWD para sa pagsusuri at posibleng ayuda.

Samantala, naglaan din ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng 10-araw na pansamantalang trabaho sa ilalim ng TUPAD program para sa unang 60 manggagawang naapektuhan ng ASEAN preparations simula Nobyembre 11.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga manggagawa sa mga establisimyento at nagtitinda sa kahabaan ng Diokno Boulevard.

Patuloy ang pagtukoy ng mga ahensya ng pamahalaan sa iba pang kwalipikadong manggagawa at vendor na nangangailangan ng tulong habang nagpapatupad ng security at traffic restrictions para sa pandaigdigang pagtitipon. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here