MANILA, Philippines — Tinatayang ₱5 milyong halaga ng hindi rehistradong glutathione drips at iba pang injectable products ang nasamsam ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang bahay sa Quezon City.
Isinagawa ng NBI-National Capital Region (NCR) ang operasyon matapos ang ilang linggong surveillance kaugnay ng reklamong natanggap ng ahensya.
Ayon kay NBI-NCR Regional Director Atty. Jun Dongallo, nakipag-ugnayan ang Food and Drug Administration (FDA) sa kanilang tanggapan upang paigtingin ang operasyon laban sa mga hindi rehistradong gamot at iba pang produktong pangkalusugan.
Nagsagawa rin umano ang mga ahente ng test-buy sa mga online seller bago natunton ang pinanggagalingan ng mga produkto at nakakuha ng search warrant.
Sa operasyon, nadiskubre ang kahon-kahong glutathione injectables na may iba’t ibang tatak.
May nakita rin umanong mga boteng may laman na at mga product sticker na idinidikit sa lugar.
Babala ng NBI, bukod sa kawalan ng rehistro, posible ring peke ang ilan sa mga produkto, dahilan upang malagay sa panganib ang mga gumagamit nito.
Ipinaliwanag ni Dongallo na hindi matiyak ang tunay na gumawa at mga sangkap ng mga hindi rehistradong injectable, na maaaring magdulot ng seryosong komplikasyon kapag itinurok sa katawan.
Nauna nang nagbabala ang FDA na walang aprubadong injectable glutathione product para sa skin whitening sa Pilipinas dahil sa mga panganib na kaugnay ng paggamit nito.
Hinimok ng NBI ang publiko na tiyaking rehistrado sa FDA ang mga produktong pangkalusugang binibili, lalo na ang mga ibinebenta online.
Samantala, nahaharap sa reklamong paglabag sa FDA law ang may-ari ng mga nakumpiskang produkto. Wala pa itong inilalabas na pahayag kaugnay ng operasyon. Mary Anne Sapico