Home HOME BANNER STORY Senator-judges ‘binalaan’ ni Escudero vs pananakot sa testigo, paggalang sa karapatan

Senator-judges ‘binalaan’ ni Escudero vs pananakot sa testigo, paggalang sa karapatan

1
0

MANILA, Philippines – Nagpaalala si Senate President at Presiding Officer Chiz Escudero sa mga senator-judges at sa mga abogado ng magkabilang panig na igalang ang karapatan ng mga testigo sa gitna ng impeachment trial.

Sa kanyang ruling na inilagay sa record ng korte, binigyang-diin ni Escudero na bagamat nanunumpa ang bawat testigo na magsabi ng totoo, nananatili pa rin ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng Rule 132, Section 3 ng Rules on Evidence na may suppletory application sa paglilitis.

Inisa-isa ni Escudero ang karapatan ng testigo:

1.  Maging protektado laban sa mga tanong na walang kinalaman sa kaso, hindi wasto, o nakakainsulto, at sa marahas na pagtrato;

2.  Hindi ma-detain nang mas matagal kaysa kinakailangan ng hustisya;

3.  Hindi maimbestigahan maliban lamang sa mga bagay na may kaugnayan sa isyu;

4.  Hindi magbigay ng sagot na maglalagay sa kanya sa peligro ng parusa para sa isang krimen, maliban kung itinakda ng batas;

5.  Hindi magbigay ng sagot na sisira sa kanyang reputasyon, maliban kung ito mismo ang isyu o may kaugnayan sa isyung pinag-uusapan. Ngunit kailangang sagutin ng testigo ang tungkol sa dati niyang final conviction.

Binigyang-diin ni Escudero na ang hindi kasiya-siyang sagot ay hindi agad nangangahulugang contempt. Aniya, ilang desisyon ng Korte Suprema ang nagbababala na gamitin ang kapangyarihang contempt nang may pinakamataas na pagpipigil.

Nagpaalala rin si Escudero sa kapwa senador, kabilang na ang kanyang sarili na nagsabing “nauubos na ang pasensya” noong nakaraang araw, na sila ay nakaupo bilang senator-judges at tungkulin nilang tumanggap at magsuri ng ebidensya nang may pagka-impartial at buong pasensya.

“Habang maaari nating busisiin ang mga testigo at subukan ang kredibilidad ng kanilang testimonya, dapat nating iwasan ang paraan ng pagtatanong o mga deklarasyon na nagdudulot ng takot sa halip na katapatan,” ani Escudero.

Hiniling ng presiding officer sa mga kasamahan at sa mga abogado na magpigil at ipakita ang restraint na inaasahan sa kanila.

Aniya, hindi tulad sa mga imbestigasyon in aid of legislation, ang sagot na “hindi ko alam” o “hindi ko matandaan” ay maaaring nakakadismaya ngunit asahan nang maraming beses na maririnig sa paglilitis.

“Ang makokontrol natin ay kung paano natin pahahalagahan at titimbangin ang mga testimonya at pahayag na ibinibigay sa harap ng korte na ito. Utang natin sa mga partido, sa mga testigo, at sa institusyong kinakatawan natin na isagawa ang paglilitis nang may pagkamakatarungan, dignidad, at paggalang, sa kabila ng ating pagkadismaya sa sinasabi o hindi sinasabi ng testigo,” pagtatapos ni Escudero.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here