Home TOP STORIES NLAP tutol sa proposed LPG cylinder swapping center guidelines

NLAP tutol sa proposed LPG cylinder swapping center guidelines

28
0

MANILA, Philippines — Mariing tinutulan ng National LPG Alliance of the Philippines Inc. (NLAP) ang ilang probisyon ng panukalang LPG Cylinder Swapping Center Operational Guidelines na kasalukuyang isinasailalim sa public consultation ng Department of Energy (DOE).

Ayon kay NLAP President Jose “Jojo” Cruz, nais nilang matiyak na dadaan sa tamang proseso ang pagtatatag at operasyon ng swapping centers at hindi ito magbibigay ng hindi patas na bentahe sa malalaking industry players.

 

“Dapat gobyerno ang mangasiwa upang hindi ito mauwi sa monopolyo at maprotektahan ang consumers at maliliit na LPG players,” ayon kay Cruz.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11592 o LPG Industry Regulation Act, inaatasan ang DOE at Department of Trade and Industry (DTI), sa konsultasyon sa industry participants, consumer groups at iba pang stakeholders, na bumuo ng LPG Cylinder Exchange and Swapping Program. Nakasaad din sa batas na dapat maging patas, makatwiran at non-discriminatory ang mga arrangement sa ilalim ng programa.

Sa updated draft guidelines ng DOE, ang Regional Program Implementation Task Force (RPITF) ang nakatalagang mag-accredit ng compliant swapping centers, habang kinakailangang magkaroon ang bawat center ng management team na mamamahala sa operasyon at pondo nito.

Iginiit ng NLAP na dapat malinaw kung sino ang maaaring magpatakbo ng swapping centers, paano pamamahalaan ang pondo at paano maiiwasan ang posibleng conflict of interest o undue advantage sa ilang negosyo.

Nagpahayag din ang grupo ng concern sa umano’y tampering o pagpapalit ng markings ng LPG cylinders ng ilang industry participants. Gayunman, wala pang inilalatag na independently verified evidence ang NLAP na magpapatunay sa partikular na alegasyong ito.

Ipinagbabawal ng RA 11592 ang unauthorized tampering, alteration, repainting o relabeling ng LPG pressure vessels, maliban sa mga pagkakataong pinahihintulutan ng batas.

Ayon sa NLAP, dumalo rin sa consultation si Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) President Arsenio “Boy” Evangelista upang obserbahan ang proseso kasunod ng kahilingan ng ilang small LPG players.

Nauna nang inanunsyo ng DOE ang serye ng public consultations para sa proposed LPG Cylinder Swapping Center Operational Guidelines bilang bahagi ng pagbuo ng implementing framework ng programa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here