MANILA, Philippines – Mahigit P866 milyong piso na may kaugnayan sa mga anomalya sa flood control projects ang nabawi na ng pamahalaan at naibalik sa Bureau of the Treasury, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Inilahad ito ng DOJ kasabay ng pag-uulat ng mga nagawa ng ahensiya sa unang taon ng panunungkulan ni Justice Secretary Fredderick Vida.
Ayon kay DOJ Undersecretary Raul Vasquez, umabot sa 29 ang mga kasong may kaugnayan sa flood control anomalies na hinawakan ng departamento.
Sa mga ito, tatlong kaso ng malversation at graft ang inihain sa Regional Trial Court, habang lima naman ang may kaugnayan sa pagbubuwis na isinampa sa Court of Tax Appeals.
Dalawang kaso ang iniendorso sa Office of the Ombudsman na naging daan para maisampa ang mga reklamo sa Sandiganbayan.
Mayroon ding siyam na kasong iniendorso sa Ombudsman o may pinal nang resolusyon kaugnay ng malversation, graft o plunder, habang dalawang kaso ang direktang inihain sa DOJ.
Samantala, walong kasong may kaugnayan sa buwis ang ibinasura ng departamento.
Tiniyak ng DOJ na magpapatuloy ang imbestigasyon at paghabol sa mga sangkot upang mabawi pa ang pondo ng bayan at mapanagot ang mga responsable. Jocelyn Tabangcura-Domenden