MANILA, Philippines – Bukas ang Department of Justice (DOJ) na isaalang-alang ang mga exemption sa batas na nagpaparusa sa abortion, partikular para sa mga biktima ng rape at sa ilang sitwasyong nangangailangan ng medikal na interbensyon.
Ito ang inihayag ni Justice Undersecretary Raul Vasquez sa isang news briefing nitong Huwebes, Nobyembre 12, kaugnay ng pagbalangkas ng bagong Criminal Code of the Philippines.
Ayon kay Vasquez, nananatiling posisyon ng DOJ na dapat ituring na krimen ang abortion, alinsunod sa probisyon ng Konstitusyon na nagbibigay-proteksyon sa buhay ng ina at ng hindi pa isinisilang na sanggol.
Gayunman, sinabi niyang maaari nilang isaalang-alang ang mga exemption para sa therapeutic purposes o mga pagbubuntis na bunga ng panggagahasa.
Inatasan na rin umano niya ang mga prosecutor at miyembro ng DOJ committee na maging bukas sa pagtalakay ng naturang mga panukala.
Sa kasalukuyan, pinarurusahan sa ilalim ng Articles 256 hanggang 259 ng Revised Penal Code ang iba’t ibang uri ng abortion.
Bukod dito, pinag-aaralan din ng DOJ ang pagbabago sa mga probisyon tungkol sa adultery at concubinage upang maging pantay ang pagtrato sa mga lalaki at babae.
Ipinaliwanag ni Vasquez na sa kasalukuyang batas, maaaring masampahan ng adultery ang isang babaeng may asawa dahil sa isang insidente ng pakikipagtalik sa ibang lalaki, habang may karagdagang kondisyong kailangang patunayan sa concubinage.
Kabilang din sa mga isinasaalang-alang na rebisyon ang mga batas tungkol sa espionage at libel.
Wala pang pinal na desisyon sa mga mungkahing pagbabago, na kailangan pang dumaan sa proseso ng Kongreso bago maaaring maisabatas. RNT