Home HOME BANNER STORY Panukalang payagan sa grumadweyt estudyanteng may utang, umusad sa Kamara

Panukalang payagan sa grumadweyt estudyanteng may utang, umusad sa Kamara

2
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan sa ikalawang pagbasa ng Kamara de Representantes ang panukalang magpapahintulot sa mga kwalipikadong estudyanteng makilahok sa graduation ceremonies kahit may hindi pa nababayarang matrikula o iba pang obligasyon sa paaralan.

Sa ilalim ng House Bill No. 11579 o Kapakanan ng Magsisipagtapos Act, hindi maaaring pagbawalan ang mga estudyanteng kapos sa buhay na makapagmartsa sa graduation dahil lamang sa kanilang pagkakautang.

Batay sa pahayag ng Kamara nitong Huwebes, Nobyembre 12, inaprubahan ang panukala sa ikalawang pagbasa noong Miyerkoles, Nobyembre 11.

Ayon kay Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, chairman ng House Committee on Higher and Technical Education, layunin nitong bigyang-pagkakataon ang mga estudyanteng maipagdiwang ang kanilang pagtatapos kasama ang pamilya.

Gayunman, nilinaw niyang hindi nangangahulugang mabubura ang kanilang mga pagkakautang sa paaralan.

Maaari pa ring maningil ang mga paaralan, humingi ng promissory note, at ipagpaliban ang paglalabas ng diploma at academic records hanggang mabayaran ang mga obligasyon.

Upang maging kwalipikado, kailangang nakumpleto ng estudyante ang lahat ng academic requirements at may sertipikasyon mula sa kinauukulang social welfare office o Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagpapatunay ng kanilang kalagayang pinansyal.

Saklaw ng panukala ang mga pampubliko at pribadong kolehiyo at unibersidad, gayundin ang mga technical-vocational institution na nag-aalok ng kursong mahigit isang taon.

Maaari namang magpataw ng administratibong parusa ang Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa mga institusyong lalabag sa panukala kapag naisabatas ito.

Dadaan pa sa ikatlong pagbasa sa Kamara ang panukala bago ang susunod na mga hakbang sa proseso ng pagsasabatas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here