MANILA, Philippines – Umabot na sa ₱9.99 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura dahil sa matinding El Niño, na nakaapekto sa mahigit 324,000 magsasaka sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Batay sa pinakahuling datos ng Department of Agriculture (DA), apektado na ang 324,327 magsasaka at 323,419 ektarya ng lupang sakahan sa 16 na rehiyon.
Pinakamalaki ang naitalang pinsala sa produksyon ng mais na umabot sa ₱5.63 bilyon, sinundan ng palay na may ₱3.65 bilyon.
Umabot naman sa ₱655.74 milyon ang pinsala sa high-value crops, habang ₱40.83 milyon ang naitala sa livestock at poultry.
Dahil sa epekto ng El Niño at iba pang suliranin sa agrikultura, inaasahan ng DA na bababa sa humigit-kumulang 18.6 milyong metriko tonelada ang produksyon ng palay ngayong 2026, mas mababa ng halos isang milyong tonelada kumpara noong 2025.
Posible ring bumaba ng 500,000 metriko tonelada ang produksyon ng mais.
Bukod sa tagtuyot, kabilang sa mga dahilan ng inaasahang pagbaba ng produksyon ang mataas na presyo ng pataba at gasolina, pagbaha dulot ng Habagat, at pabago-bagong farmgate prices na nakaaapekto sa pagtatanim ng mga magsasaka.
Samantala, umabot na sa ₱18.64 bilyon ang halaga ng mga tulong at interbensyong inilaan ng DA, kabilang ang mga binhi, pataba, at pinansyal na ayuda.
Sa kabila ng pinsala, tiniyak ng ahensya na may sapat na suplay ng pagkain sa bansa.
Nauna nang nagbabala ang PAGASA na maaaring umabot sa pinakamataas na tindi ang kasalukuyang El Niño bago matapos ang 2026 at magpatuloy hanggang unang kalahati ng 2027. Santi Celario