MANILA, Philippines – Isasaalang-alang ng Department of Justice (DOJ) ang posisyon ng mga nagreklamo laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy sa Pilipinas kaugnay ng kahilingan ng Estados Unidos na ma-extradite siya upang harapin ang mga kasong kriminal doon.
Ayon kay Justice Undersecretary Raul Vasquez, kabilang sa mga pinag-aaralan ang posibleng pahintulot ng mga complainant dahil mayroon ding mga kasong nakabinbin laban kay Quiboloy sa mga korte sa Pilipinas.
Sinabi ni Vasquez na hindi maaaring basta unahin ang proseso ng hustisya sa Estados Unidos nang hindi isinasaalang-alang ang mga biktima at kasong nakabinbin sa bansa.
Paliwanag niya, maaaring tapusin muna ang mga lokal na kaso bago ang extradition o pansamantalang ipagpaliban ang mga ito, depende sa magiging legal na proseso.
Gayunman, nilinaw niyang ang extradition ay isang natatanging uri ng legal na pagdinig o sui generis, na hindi katulad ng karaniwang kasong kriminal o sibil.
Kailangang tiyakin ng korte na sumusunod ang kahilingan sa extradition treaty ng Pilipinas at Estados Unidos, kabilang ang pagkakakilanlan ng taong hinihiling na ma-extradite at kung ang mga kasong isinampa sa Amerika ay itinuturing ding krimen sa Pilipinas.
Matatandaang noong Nobyembre 9, inihain ng DOJ sa Makati Regional Trial Court ang extradition petition ng Estados Unidos laban kina Quiboloy, Teresita Dandan at Helen Panilag.
Napunta ang petisyon sa Makati RTC Branch 145.
Nahaharap si Quiboloy sa mga kasong may kaugnayan sa sex trafficking at iba pang umano’y ilegal na aktibidad sa Estados Unidos.
May kinakaharap din siyang magkahiwalay na kaso ng qualified human trafficking at sexual abuse sa Pilipinas.
Nauna nang itinanggi ni Quiboloy ang mga paratang laban sa kanya.
Ang korte sa Pilipinas ang magpapasya kung natugunan ang mga legal na rekisito para sa extradition, habang ang usapin ng pagkakasala o kawalan ng sala sa mga kasong isinampa sa Amerika ay pagpapasyahan ng kaukulang korte roon. RNT