MANILA, Philippines – Naglunsad ang Department of Justice (DOJ) ng bagong kampanya upang matulungan ang publiko na makilala at maiwasan ang mga online scam bago pa mabiktima ng mga manloloko.
Ang kampanyang “S.U.R.E. Ka Na Ba?” na inilunsad nitong Huwebes, Nobyembre 12, ay naglalayong paigtingin ang kaalaman ng mga Pilipino laban sa mga mapanlinlang na mensahe, tawag, link at online transaction.
Ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida, hindi sapat ang paghuli at pagsasampa ng kaso laban sa mga scammer dahil mahalaga ring maturuan ang publiko kung paano makaiwas sa kanilang modus.
Sa ilalim ng kampanya, ang S.U.R.E. ay nangangahulugang Spot, Understand, Report at Empower.
Hinihikayat ang publiko na kilalanin ang mga posibleng scam, unawain ang paraan ng panloloko, agad ireport ang kahina-hinalang aktibidad, at tulungan ang iba na hindi mabiktima.
Batay sa 2026 State of Scams in the Philippines report ng Global Anti-Scam Alliance (GASA), 84% ng 1,160 Filipino adults na sinurvey ang nakaranas ng scam attempts sa nakalipas na taon, mas mataas kaysa sa 77% noong 2025.
Lumabas din sa pag-aaral na 15% ng mga respondent ang nawalan ng pera, kabilang ang pagkaluging may kaugnayan sa pagnanakaw ng personal na impormasyon.
Ibinahagi rin ni Vida na mismong ang kanyang pangalan ay ginamit ng isang nagpapanggap upang manghingi ng pera sa kanyang kakilala.
Binigyang-diin ng DOJ na dapat maging maingat bago mag-click ng hindi kilalang link, magbahagi ng personal na impormasyon, o magpadala ng pera sa mga hindi beripikadong indibidwal.
Maaaring ireport ang mga kahina-hinalang online scam sa mga awtoridad, bangko, e-wallet provider, o sa DOJ sa [email protected]. RNT