Home METRO Viral ‘bullying’ incident sa Ateneo de Davao, iniimbestigahan

Viral ‘bullying’ incident sa Ateneo de Davao, iniimbestigahan

1
0

MANILA, Philippines – Iniimbestigahan na ng Ateneo de Davao University ang nag-viral na sinasabing bullying incident na kinasangkutan ng mga mag-aaral sa Junior High School nito sa Matina, Davao City.

Kinumpirma ng pamunuan ng paaralan na agad nitong inaksyunan ang insidente upang matiyak ang kaligtasan ng estudyanteng nasaktan, habang posibleng humarap sa kaukulang disciplinary sanctions ang mga mapatutunayang responsable.

Naganap ang insidente noong Nobyembre 5 sa loob ng comfort room ng paaralan, kung saan makikita sa kumalat na video ang isang lalaking estudyante na pinagsisipa at hinahampas ng mop at sinturon ng kapwa mag-aaral.

Ayon sa Ateneo de Davao, isinangguni na ang kaso sa Junior High School Child Protection Committee, na tinatapos ang pagsusuri batay sa student handbook, Anti-Bullying Act of 2013 at mga patakaran ng Department of Education (DepEd).

Tiniyak din ng paaralan na mabibigyan ng kaukulang disciplinary measures at intervention ang mga mapatutunayang responsable, alinsunod sa due process.

Samantala, nakikipag-ugnayan na ang pamunuan ng paaralan sa DepEd at Davao City Police Office (DCPO) kaugnay ng insidente.

Ayon sa pulisya, naitala na rin sa police blotter ang pangyayari at isinangguni ang biktima sa City Social Welfare and Development Office para sa psychological assessment at kaukulang tulong.

Patuloy namang binibigyan ng guidance at counseling support ang apektadong estudyante at kanyang pamilya.

Nanawagan ang Ateneo de Davao sa publiko na iwasang ipakalat ang mga pangalan, larawan at iba pang impormasyong maaaring maglantad sa pagkakakilanlan ng mga menor de edad na sangkot sa insidente.

Tiniyak din ng unibersidad na rerepasuhin at palalakasin nito ang mga hakbang upang maiwasan ang mga katulad na insidente sa paaralan. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here