Home NATIONWIDE Dangerous heat index sa 7 lugar, posibleng maranasan — PAGASA

Dangerous heat index sa 7 lugar, posibleng maranasan — PAGASA

1
0

MANILA, Philippines – Posibleng umabot sa 42 degrees Celsius ang heat index sa pitong lugar sa bansa ngayong Biyernes, Nobyembre 13, habang magdadala naman ng pag-ulan ang Easterlies sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao.

Batay sa heat index forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), kabilang sa mga lugar na posibleng makaranas ng danger-level heat index ang Borongan City, Eastern Samar; Coron at Cuyo sa Palawan; Dumangas, Iloilo; La Granja sa La Carlota City, Negros Occidental; Masbate City; at Zamboanga City.

Ayon sa PAGASA, nasa danger level ang heat index na 42°C hanggang 51°C, kung saan maaaring makaranas ng heat cramps at heat exhaustion na posibleng mauwi sa heat stroke kapag nagtagal ang pagkakalantad sa matinding init.

Samantala, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Albay, Catanduanes, Sorsogon, Eastern Visayas, Caraga, Davao Region, SOCCSKSARGEN, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi dahil sa Easterlies.

Nagbabala ang PAGASA sa posibleng flash floods at landslides sa mga lugar na makakaranas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.

Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may posibilidad ng panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms.

Patuloy namang nakaaapekto ang Northeast Monsoon o Amihan sa Northern Luzon, na magdadala ng mahinang pag-ulan sa Cagayan, Isabela, Apayao at Kalinga.

Pinapayuhan ang publiko na uminom ng sapat na tubig, umiwas sa matagal na pagkakalantad sa init, at maging alerto sa posibleng biglaang pagbuhos ng ulan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here