Home METRO Pastor na suspek sa pagpaslang sa nursing stude, kinasuhan ng murder

Pastor na suspek sa pagpaslang sa nursing stude, kinasuhan ng murder

1
0

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng Office of the City Prosecutor ng Calapan City, Oriental Mindoro ang pagsasampa ng kasong murder laban sa 26-anyos na suspek sa pagpatay sa isang nursing student na natagpuang patay sa bakanteng lote noong Nobyembre 7.

Ayon sa Police Regional Office 4B (PRO4B), nakitaan ng sapat na paunang ebidensya ang reklamo laban sa suspek, batay sa resolusyong inilabas ng piskalya noong Nobyembre 11.

Kabilang sa mga ebidensyang binigyang-pansin ang maraming saksak na tinamo ng 20-anyos na biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan, habang inihayag din sa resolusyon ang alegasyon ng cruelty bilang qualifying circumstance sa kasong murder.

Matatandaang natagpuan ang bangkay ng estudyante dakong alas-1:15 ng madaling araw noong Nobyembre 7 sa isang bakanteng lote sa Barangay Sapul, Calapan City.

Kalaunan, kusang sumuko sa mga awtoridad ang suspek, na unang kinilalang pastor sa mga ulat ng pulisya.

Sa press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Allen Rae Co na inangkin ng suspek na nagkaroon sila ng on-and-off relationship ng biktima mula noong 2023.

Ayon sa salaysay ng suspek, nagkaroon umano sila ng pagtatalo matapos sabihin ng biktima na buntis ito at siya ang ama ng dinadala.

Inangkin din ng suspek na unang nanakit ang biktima sa kanilang komprontasyon.

Gayunman, nilinaw ng PNP na hindi pa independiyenteng nabeberipika ang mga naturang pahayag at may nakitang hindi pagkakatugma sa salaysay ng suspek.

Samantala, itinanggi ng ilang religious groups sa Oriental Mindoro na isang ordinadong pastor ang suspek.

Patuloy ang legal na proseso upang mapanagot ang sinumang mapatutunayang responsable sa pagkamatay ng nursing student. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here