MANILA, Philippines – Mahigit $400 milyong halaga ng cryptocurrency ang nanakaw umano ng mga hacker na suportado ng North Korea sa nakalipas na 18 buwan gamit ang mga pekeng video meeting at palihim na nakuhang webcam recording ng kanilang mga biktima.
Ayon sa Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos nitong Huwebes, Nobyembre 12, tinatawag na “FaceStealer” ang cybercrime scheme na gumagamit ng mga pekeng bersyon ng Zoom, Microsoft Teams at Google Meet.
Sa naturang modus, nagpapadala ang mga hacker ng meeting invitation gamit ang mga social media at messaging account ng mga dati nilang nabiktima.
Kapag sumali ang bagong target sa video call, ipinapakita ang prerecorded video ng taong kilala nito upang magmukhang lehitimo ang pagpupulong.
Pagkatapos, nagpapakita ng pekeng technical error at inuutusan ang biktima na mag-click ng link o magsagawa ng mga hakbang na nag-i-install ng malware sa kanyang computer.
Sa ganitong paraan, maaaring makuha ng mga hacker ang cryptocurrency, personal na impormasyon at access sa iba pang account ng biktima.
Ayon sa FBI, nakasamsam na ito ng mahigit 900 webcam video na ginamit ng mga hacker upang magpanggap bilang ibang tao at makapanloko ng karagdagang biktima.
Natuklasan din ng ahensya na nagsisimula nang gumamit ang grupo ng artificial intelligence (AI) upang lumikha ng mga deepfake video ng mga kilalang personalidad sa cryptocurrency at blockchain industry.
Iniuugnay ng FBI ang operasyon sa mga North Korean hacking group na kinikilala bilang Sapphire Sleet o UNC1069 at iba pang pangalan.
Dahil dito, pinayuhan ng FBI ang publiko na tiyaking lehitimo ang mga video meeting invitation, huwag basta mag-click ng kahina-hinalang link, at iwasang mag-install ng software o magpatakbo ng code kapag inuutusan sa isang video call.
Binigyang-diin din ng ahensya ang kahalagahan ng multifactor authentication upang maprotektahan ang mga online account laban sa hindi awtorisadong pag-access. Dave Medina