Nagsagawa ng protesta ang mga miyembro ng women’s group na GABRIELA at mga kaalyadong organisasyon sa T.M. Kalaw Avenue sa Maynila noong Lunes, Nobyembre 9, laban sa nalalapit na pagbisita ni US President Donald Trump at sa panukalang Pax Silica initiative bago ang 49th
ASEAN Summit.Bitbit ang mga banner na nananawagan sa pag-alis ni Trump sa Pilipinas at sa pagtanggi sa Pax Silica, ang mga nagprotesta ay nagtaas ng mga alalahanin sa mga potensyal na banta sa mga lupaing ninuno, mga kabuhayang pang-agrikultura, at pambansang soberanya.Ang demonstrasyon ay bahagi ng isang serye ng mga protesta na binalak bago ang inaasahang pagdating ni Trump sa Nobyembre 16. ERIC OCAPAN
MANILA, Philippines – Nakatakdang magsagawa ng malawakang walkout at kilos-protesta ang mga estudyante mula sa iba’t ibang pamantasan sa bansa ngayong Biyernes, Nobyembre 13, bilang pagtutol sa US-led Pax Silica initiative at nakatakdang pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas.
Ayon sa Youth Against Pax Silica (YAPAX), inaasahang mahigit 10,000 kabataan ang makikilahok sa National Day of Action upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa naturang inisyatiba.
Kabilang sa mga inaasahang lalahok ang mga grupo ng estudyante mula sa University of the Philippines Diliman, Ateneo de Manila University, Polytechnic University of the Philippines, De La Salle University, University of Santo Tomas at iba pang pamantasan.
Bukod sa Metro Manila, nakatakda rin ang mga pagkilos sa Baguio, Benguet at Bicol, habang magkakaroon naman ng hiwalay na mga protesta sa Cebu at Davao sa Nobyembre 16.
Kinukuwestiyon ng YAPAX ang Pax Silica dahil sa umano’y banta nito sa pambansang soberanya, karapatan ng mga katutubong komunidad, likas na yaman at kinabukasan ng kabataang Pilipino.
Ang Pax Silica ay inisyatibang pinangungunahan ng Estados Unidos upang palakasin ang supply chains para sa semiconductors, artificial intelligence at iba pang advanced technologies.
Nauna nang ipinahayag ng pamahalaan na layunin nitong makaakit ng pamumuhunan at lumikha ng mga oportunidad sa trabaho. Gayunman, nangangamba ang ilang grupo sa posibleng epekto ng planong industrial hub sa New Clark City, Tarlac sa mga komunidad at kalikasan.
Samantala, nilinaw ng US Embassy na walang nakatakdang paglagda o malaking anunsyo kaugnay ng Pax Silica sa ASEAN Summit, habang nagpapatuloy ang konsultasyon sa pamahalaan ng Pilipinas.
Kasabay ng walkout, tinututulan din ng YAPAX ang pagbisita ni Trump para sa 49th ASEAN Summit na gaganapin sa Metro Manila sa Nobyembre 16 hanggang 18.
Nanawagan ang grupo sa mga kabataan na makiisa sa mga pagkilos upang maipahayag ang kanilang posisyon sa mga kasunduang may posibleng epekto sa bansa.