MANILA, Philippines – Panibagong malaking bawas-presyo sa mga produktong petrolyo ang inaasahang ipatutupad sa Martes, Nobyembre 17, na posibleng umabot sa ₱5 kada litro sa diesel at ₱4 naman sa gasolina.
Batay sa pagtataya ng isang oil industry source na iniulat ng GMA News nitong Biyernes, Nobyembre 13, posibleng bumaba ng ₱4 hanggang ₱5 kada litro ang presyo ng diesel, habang nasa ₱3 hanggang ₱4 kada litro naman ang inaasahang rollback sa gasolina.
Nakabatay ang paunang pagtataya sa apat na araw na kalakalan sa Mean of Platts Singapore (MOPS) at sa foreign exchange averages.
Kabilang sa mga dahilan ng inaasahang pagbaba ng presyo ang paghupa ng pangamba sa pandaigdigang suplay ng langis kasunod ng mga diplomatic development sa Gitnang Silangan.
Gayunman, nananatili ang posibilidad ng pagbabago sa presyo dahil sa mga pag-atake sa mga pasilidad ng langis sa Saudi Arabia at sa mga barkong dumaraan sa Strait of Hormuz.
Matatandaang nitong Nobyembre 10 ay nagpatupad ng malaking rollback ang mga kumpanya ng langis, kung saan bumaba ng ₱16.80 kada litro ang gasolina, ₱4.10 ang diesel at ₱3.70 ang kerosene.
Inaasahang iaanunsyo ng mga kumpanya ng langis sa Lunes, Nobyembre 16, ang pinal na halaga ng price adjustment na ipatutupad kinabukasan. Dave Medina