Home METRO Red tide sa 4 baybayin sa Eastern Visayas, ibinabala

Red tide sa 4 baybayin sa Eastern Visayas, ibinabala

1
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa publiko laban sa pangunguha, pagbebenta at pagkain ng mga lamang-dagat na shellfish mula sa apat na baybayin sa Eastern Visayas matapos makitaan ng red tide toxins ang mga isinuring sample.

Sa advisory ng BFAR-8 na may petsang Nobyembre 12, positibo sa paralytic shellfish toxins ang mga sample mula sa Carigara Bay, Irong-Irong Bay, Matarinao Bay at Cambatutay Bay.

Saklaw ng Carigara Bay ang mga baybayin ng Babatngon, San Miguel, Capoocan, Barugo at Carigara sa Leyte. Sakop naman ng Irong-Irong Bay ang Catbalogan City sa Samar.

Kabilang sa Matarinao Bay ang mga baybayin ng General MacArthur, Quinapondan, Hernani at Salcedo sa Eastern Samar, habang sakop ng Cambatutay Bay ang baybayin ng Tarangnan sa Samar.

Ayon sa BFAR, isinagawa ng Regional Fisheries Laboratory ang pagsusuri sa mga sample. Naglabas na rin ito ng lokal na red tide warning para sa Cambatutay Bay habang hinihintay ang kumpirmasyon mula sa BFAR National Fisheries Laboratory Division gamit ang Receptor Binding Assay.

Pinayuhan ang publiko na iwasang mangalap, bumili, magbenta at kumain ng lahat ng uri ng shellfish, kabilang ang alamang o Acetes species, mula sa mga apektadong lugar.

Nilinaw naman ng BFAR na ligtas kainin ang isda, pusit, hipon at alimango mula sa mga nasabing baybayin kung sariwa ang mga ito, inalis ang mga lamang-loob, partikular ang bituka at hasang, at hinugasan nang mabuti.

Ang red tide ay dulot ng mabilis na pagdami ng ilang uri ng microscopic algae na maaaring maglabas ng lason. Naiipon ang mga toxin sa shellfish habang sinasala ng mga ito ang tubig-dagat.

Maaaring magdulot ang lasong saxitoxin ng paralytic shellfish poisoning na may sintomas na pamamanhid, pangingilig at hirap sa paghinga. Sa malalang kaso, maaari itong ikamatay.

Hindi rin nawawala ang lason kahit lutuin o pakuluan ang kontaminadong shellfish.

Patuloy ang regular na pagsusuri at pagbabantay ng BFAR sa mga baybaying-dagat upang matiyak ang kaligtasan ng mga lamang-dagat na kinakain ng publiko. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here