Home NATIONWIDE NCRPO nagbabala ng pag-aresto sa mga magra-rally sa labas ng freedom parks

NCRPO nagbabala ng pag-aresto sa mga magra-rally sa labas ng freedom parks

1
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na maaaring arestuhin o kasuhan ang mga taong magsasagawa ng demonstrasyon sa labas ng mga itinalagang freedom park habang ginaganap ang 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Gaganapin ang summit mula Nobyembre 15 hanggang 17. Ilang grupo na ang nagpahayag na magsasagawa sila ng mga kilos-protesta bago, habang at pagkatapos ng pagtitipon na dadaluhan ng mga lider at delegado mula sa iba’t ibang bansa, kabilang si US President Donald Trump.

Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge Brig. Gen. Christopher Abrahano nitong Biyernes, inatasan niya ang mga police commander na mahigpit na ipatupad ang mga seguridad sa paligid ng pangunahing venue sa Pasay City, gayundin sa mga hotel at pangunahing ruta ng summit.

Pinayuhan din niya ang mga raliyista na sa mga freedom park lamang sa Metro Manila magsagawa ng kanilang mga pagtitipon.

“Respecting the people’s right to peaceful assembly does not mean allowing demonstrations in areas where they are prohibited under lawful security arrangements,” pahayag ni Abrahano.

“We will not compromise the security of the summit, our foreign delegates, and the general public,” dagdag niya.

Binanggit ni Abrahano ang Section 4 ng Batas Pambansa Blg. 880 o Public Assembly Act of 1985, na nag-aatas ng permit mula sa lokal na pamahalaan para sa mga pagtitipon sa mga pampublikong lugar. Kabilang sa mga eksepsyon ang mga itinalagang freedom park at iba pang tinukoy na lugar.

Tiniyak naman niyang kikilos ang pulisya laban sa mga lalabag sa batas.

“Our instructions are clear: Maintain peace and order, protect the security of the summit, and respect the constitutional rights of our people,” aniya. “We will enforce the law firmly but professionally. Peaceful assembly is a right, but it must be exercised within the bounds of the law,” dagdag pa niya.

Samantala, nagsagawa ng mga “Trump-out” protest sa ilang lugar sa Quezon City at Maynila nitong Biyernes, bago ang inaasahang pagbisita ng US president sa bansa.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), mahigit 19,000 pulis at 3,075 tauhan mula sa iba pang ahensya ang ipinakalat para sa seguridad ng summit. Inilagay rin sa full alert status ang lahat ng kinauukulang police unit. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here