QUEZON CITY, Philippines – Nagpaabot ng tulong si Senator Christopher “Bong” Go sa 205 pamilyang naapektuhan ng sunog sa Barangay E. Rodriguez, Quezon City, nitong Huwebes, Nobyembre 12.
Bago ang pamamahagi ng ayuda, personal na tinungo ni Go ang lugar na pinagmulan ng sunog upang alamin ang lawak ng pinsala at kalagayan ng mga residenteng naapektuhan.

Nanawagan din ang senador sa publiko na bantayan ang mga usapin sa pamahalaan at iparinig ang kanilang boses, kasabay ng panawagang labanan ang korapsyon.
“Galing pa po ako ng Senado. Ang gulo-gulo po ng Senado. Sana matapos na itong gulo sa Senado. Pinagdadasal ko na matapos na ito para makapag-serbisyo na po ako. Kayo po ang nahihirapan ngayon, kayo ang apektado kaya nakikiusap ako sa inyo, subaybayan niyo po ang lahat para marinig ang inyong boses, at labanan ang korapsyon sa gobyerno. I am one with the Filipino people in this crusade against corruption,” ani Go.

Binigyang-diin niya na hindi dapat maisakripisyo ang serbisyo publiko dahil sa mga kontrobersiya sa politika.
Nagpaabot din siya ng pakikiramay sa pamilya ng dalawang nasawi sa sunog at tiniyak na maaaring matulungan ang mga residenteng nangangailangan ng pagpapagamot.
“Sa mga nasunugan namin, ako po ay nakikiramay sa dalawang namatay. Tandaan po natin, kung kailangan magpa-ospital, ipapadala po natin kayo sa ospital. Ang gamit ay maaaring mapalitan, pero ang buhay ay hindi. Ang importante po ay ligtas kayo, at magtulungan tayo para makabangon muli,” pahayag niya.

Bilang vice chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, ipinaalala rin ni Go na maaaring lumapit ang mga residente sa Malasakit Centers sa mga kalapit na pampublikong ospital para sa tulong medikal.
Sa pamamagitan ng kaniyang Malasakit Team, namahagi ang senador ng financial assistance, grocery packs, lalagyan ng tubig, vitamins, damit, bag at sports equipment. Ilang benepisyaryo rin ang nakatanggap ng bisikleta, relo, sapatos at cellphone.
Kinilala rin ni Go ang pagtulong nina Barangay Captain Marciano R. Buena-Agua Jr. at dating Councilor Kate Coseteng sa mga residenteng naapektuhan ng sunog.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagpapalakas sa kakayahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at paghahanda sa mga sakuna, lalo na sa mga mataong komunidad.

Binanggit niya ang Republic Act No. 11589 o Bureau of Fire Protection Modernization Act, na naglalayong mapahusay ang kagamitan, tauhan at pagsasanay ng BFP, at ang Republic Act No. 12076 o Ligtas Pinoy Centers Act, na nag-aatas sa pagtatayo ng permanenteng evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.
Hinimok din ni Go ang mga residente na magtulungan upang makabangon mula sa trahedya.
“Tandaan natin, minsan lang tayo dadaan sa mundong ito. Kung ano pong kabutihan o tulong na puwede natin gawin sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito,” aniya.
Nagtungo rin si Go sa Tondo, Maynila nitong Huwebes upang magpaabot ng tulong sa 71 pamilyang nasunugan. RNT







