Home NATIONWIDE LTFRB nag-isyu ng 372 special permits sa mga bus para sa ASEAN...

LTFRB nag-isyu ng 372 special permits sa mga bus para sa ASEAN holiday break

1
0

MANILA, Philippines – Nag-isyu ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 372 special permits sa mga pampasaherong bus upang matugunan ang inaasahang pagdami ng mga biyahero sa limang araw na holiday break para sa ASEAN Summit.

Ayon sa LTFRB, makatutulong ang karagdagang mga bus upang matugunan ang pangangailangan ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsya.

Gaganapin ang 49th ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong mula Nobyembre 16 hanggang 18. Idineklara ng Malacañang na special non-working days ang mga petsang ito sa Metro Manila, kaya magkakaroon ng limang araw na bakasyon ang mga residente.

Sinabi ni LTFRB Acting Chair Greg Pua na inaasahan ang pagdagsa ng mga pasahero sa mga terminal dahil sa school holiday.

“We expect a large influx of our countrymen to the bus terminals to return to their respective provinces for vacation because this is a five-day school holiday,” ani Pua.

Pinakamaraming special permit ang inilaan sa mga bus na biyaheng Northern Luzon na may 245, sinundan ng Central Luzon na may 111. Ang natitirang permit ay ibinigay sa mga bus na bumibiyahe sa Bicol, Southern Luzon at Western Visayas.

Nagsagawa rin ang LTFRB ng biglaang inspeksyon sa mga pangunahing transport hub, kabilang ang mga terminal sa kahabaan ng EDSA Busway, upang tiyakin ang kaligtasan ng mga bus at kahandaan ng mga ito sa inaasahang pagdami ng pasahero.

Ayon kay Pua, layunin ng ahensya na matiyak ang “fast, reliable, safe and comfortable travel” ng mga pasahero.

Inatasan din ng LTFRB ang mga regional office nito na inspeksyunin ang mga terminal upang matiyak ang pagkakaroon ng sapat na proteksyon laban sa panahon, maayos na palikuran at pasilidad na angkop para sa persons with disabilities at senior citizens.

Pinaalalahanan din ni Pua ang mga konduktor na ipatupad ang mga diskwento sa pamasahe, matapos maparusahan ang ilang operator dahil sa mga paglabag. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here