MANILA, Philippines – Aakuin na ng Department of Transportation (DOTr) ang operasyon ng EDSA Busway, kabilang ang maintenance ng mga footbridge nito, simula 2027, ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon nitong Biyernes.
Layunin ng hakbang na matiyak ang sapat na pondo para sa pangangalaga ng mga pasilidad at maiwasan ang pagkaantala sa pagkukumpuni ng mga ito, kasunod ng mga reklamo tungkol sa sirang elevator at mga ilaw sa mga overpass.
“So ang sabi ko, next year sa 2027, ang buong busway operation, DOTr na magpapatakbo. Iyon na ‘yung sasabihin ko sa MMDA (Metropolitan Manila Development Authority), pati ‘yung pag-maintain ng footbridges sa DOTr na lang para wala nang turuan and kami na ang magsisigurado ng budget kasi minsan walang budget,” ani Dizon.
Sinabi rin ni Dizon na nagdagdag ang DOTr ng 50 bus sa EDSA Busway, kaya umabot na sa humigit-kumulang 400 ang kabuuang bilang ng mga bus bilang paghahanda sa pagdami ng mga commuter ngayong holiday season.
Plano pang magdagdag ng 50 bus pagsapit ng Disyembre upang umabot sa tinatayang 450 ang kabuuang fleet.
Samantala, ininspeksyon ni Dizon ang mga inayos na elevator sa Guadalupe EDSA Busway Carousel overpass.
Kasunod ito ng reklamo ni 66-anyos na commuter na si Victoria Chan, na lumapit kay Dizon noong Nobyembre 2 sa Guadalupe Busway station upang ipabatid na hindi gumagana ang mga elevator.
“May nakausap tayong commuter na lola na senior last time. Nandito tayo noong binuksan itong Guadalupe busway [station] two weeks ago at nagreklamo nga siya. Hindi ko alam na hindi pala gumagana ito. So ngayon, gumagana na,” pahayag ni Dizon.
Ayon sa kalihim, inaayos ang anim na elevator na dati nang hindi gumagana, kabilang ang mga nasa Guadalupe, Phil-Am at Kamuning stations. Umaasa siyang matatapos ang natitirang pagkukumpuni sa loob ng dalawang linggo.
Naantala umano nang halos apat na buwan ang mga pagkukumpuni dahil sa kakulangan ng pondo mula sa MMDA at DOTr.
Sinabi rin ni Dizon na kabilang sa mga dahilan ng pagkasira ng ilang elevator ang pagnanakaw ng mga kable. Palalakasin aniya ang seguridad upang maiwasan ang mga katulad na insidente.
Posible rin umanong nakadagdag sa pagkasira ng mga elevator ang basurang itinatapon sa ibabaw ng mga ito dahil sa bigat na maaaring makaapekto sa kanilang mga sensor.
Tinutugunan din ng DOTr ang mga reklamo tungkol sa mga ilaw na hindi gumagana sa mga overpass, na ayon sa mga commuter ay nagiging dahilan ng panganib lalo na sa gabi at madaling-araw. RNT/MDS