MAKATI CITY, Philippines – Inaasahang babagal ang daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng central business district ng Makati City mula Nobyembre 14 hanggang 18 dahil sa mga checkpoint, stop-and-go traffic scheme at rerouting para sa ASEAN Summit.
Ayon sa pamahalaang lungsod, maglalaan ng ilang bahagi ng mga pangunahing kalsada para sa mga delegado ng ASEAN. Pansamantalang pipigilin ang mga motorista upang makadaan ang mga convoy at ibabalik sa normal ang daloy ng trapiko kapag nakalampas na ang mga ito.
Kabilang sa mga apektadong kalsada ang Ayala Avenue, Makati Avenue, Paseo de Roxas, Arnaiz Avenue, at ilang bahagi ng apartment ridge road.
Pinayuhan ang mga motorista na dumaraan sa mga lugar na ito na asahan ang pagsisikip ng trapiko at pagkaantala ng biyahe nang hanggang 40 minuto.
Samantala, susunod sa bagong ruta ang mga pampasaherong jeep na bumibiyahe sa Washington-Ayala route. Dadaan ang mga ito sa Buendia Avenue, liliko sa Pasong Tamo, A. Arnaiz Avenue at EDSA, bago mag-U-turn sa EDSA-Ayala intersection patungo sa southbound lane.
Mula rito, liliko ang mga jeep sa A. Arnaiz Avenue, Pasong Tamo, Herrera Street at Washington Street upang makumpleto ang biyahe.
May rerouting din para sa mga pampasaherong bus at point-to-point bus na manggagaling sa Buendia at Osmeña Highway. Dadaan ang mga ito sa Buendia Avenue patungong EDSA at magtutungo sa One Ayala Terminal.
Mula sa terminal, liliko ang mga bus sa southbound lane ng EDSA at dadaan sa ramp patungong Magallanes Flyover. Ang mga biyaheng patungong Sen. Puyat Avenue sa Pasay ay liliko sa Osmeña Highway, habang ang mga patungong Taft-Pasay ay liliko sa Sen. Gil Puyat Avenue.
Nauna nang umapela si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chair Atty. Don Artes sa pang-unawa ng mga motorista sa pansamantalang pagbabago sa daloy ng trapiko.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit na inaasahang dadaluhan ng ilang lider ng mundo at mga mamamahayag mula sa ibang bansa. RNT/MDS