Home NATIONWIDE Philippine Navy magpapakalat ng mga barko, tauhan para sa seguridad ng ASEAN...

Philippine Navy magpapakalat ng mga barko, tauhan para sa seguridad ng ASEAN Summit

1
0

MANILA, Philippines – Magpapakalat ang Philippine Navy (PN) ng mga barko at tauhan upang tiyakin ang seguridad sa Manila Bay at mga karatig na karagatan sa panahon ng 49th ASEAN Summit sa Metro Manila.

Ayon kay PN spokesperson Capt. Marissa Martinez, kabilang sa mga ipapakalat ang mga bagong offshore patrol vessel na BRP Rajah Sulayman (PS-20) at BRP Rajah Lakandula (PS-21).

“The majority of the vessels under the Naval Defense Command will be deployed to provide maritime security and safeguard Manila Bay, its maritime approaches, and other strategically significant maritime areas during the ASEAN Summit,” pahayag ni Martinez sa sidelines ng change of command ceremony ng Navy sa Maynila nitong Nobyembre 13.

Magpapakalat din ang Navy ng mga Marine, naval special operations forces at air warfare assets. Tututukan ng mga pagpapatrolya ang karagatang nasa kanluran, hilaga at timog ng Manila Bay.

Tiniyak naman ni Martinez na magpapatuloy ang regular na operasyon ng Navy sa iba pang bahagi ng bansa, partikular ang pagpapatrolya at maritime domain awareness activities sa West Philippine Sea (WPS).

“Definitely, those in the west will prioritize the security situation there so their patrols and maritime domain awareness initiatives will continue,” aniya.

Ang Pilipinas ang kasalukuyang chair ng 11-miyembrong ASEAN at magho-host ng summit na may temang “Navigating Our Future, Together.”

Gaganapin ang mga pagpupulong mula Nobyembre 16 hanggang 18 sa Philippine International Convention Center sa Pasay City. Dadalo rito ang mga lider ng Southeast Asia at mga kinatawan ng mga partner country upang talakayin ang mga usaping panrehiyon at pandaigdig.

Kabilang sa mga pagpupulong ang ASEAN summits kasama ang China, Japan, South Korea, India, Australia, New Zealand, Russia at United States, gayundin ang mga pagpupulong kasama ang United Nations.

Pinaigting na seguridad

Bahagi ang pagpapakalat ng Navy sa mas malawak na seguridad na pinagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Nauna nang nagpakalat ang Philippine National Police (PNP) ng mahigit 19,000 pulis para magbantay sa mga venue, hotel, tutuluyan ng mga delegado at ruta ng mga convoy. Mahigit 3,000 tauhan naman mula sa iba pang ahensya ang tutulong sa seguridad.

Inilagay ng PNP sa full alert status mula Nobyembre 13 hanggang 19 ang National Capital Region Police Office, Police Regional Offices sa Central Luzon at Calabarzon, at mga unit na nakabase sa Camp Crame.

Inatasan ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga regional at local police commander na panatilihin ang sapat na bilang ng mga pulis sa kani-kanilang lugar upang magpatuloy ang pagpapatrolya, pag-iwas sa krimen at pagtugon sa mga emergency.

“Our commitment to securing the ASEAN Summit will not come at the expense of the safety and security of our communities. The PNP’s regular police operations, crime prevention efforts, and emergency response services remain fully operational while we fulfill our Summit security responsibilities,” ani Nartatez.

Binigyang-diin din niyang mananatiling prayoridad ang presensya ng mga pulis sa mga komunidad, lalo na sa inaasahang pagdami ng mga biyahero sa mahabang holiday break.

Samantala, inilagay rin ng Maritime Industry Authority (Marina) sa heightened alert status ang lahat ng regional office nito mula Nobyembre 13 hanggang 23 upang palakasin ang pagbabantay at pagpapatupad ng mga panuntunan sa kaligtasan sa karagatan.

Inatasan ni Marina Officer-in-Charge Administrator Loumer P. Bernabe ang mga regional office na magpatupad ng mga contingency measure at tiyakin ang kahandaan sa operasyon sa buong panahon.

Pinaalalahanan din ni Bernabe ang mga may-ari at operator ng mga domestic vessel na tiyaking ligtas bumiyahe ang kanilang mga barko, may balidong sertipiko, sumusunod sa awtorisadong kapasidad ng pasahero at may kuwalipikadong tripulante.

Bilang bahagi ng seguridad sa summit, suspendido rin ang dredging, reclamation at iba pang kaugnay na gawaing pandagat sa loob ng 500 yarda mula sa baybayin ng Pasay City, Maynila at Parañaque City mula Nobyembre 15 hanggang 18.

Inatasan ang mga apektadong barko at kagamitan na lumipat sa labas ng restricted zone bago sumapit ang Nobyembre 14.

Ipinatupad din ang no-loitering zone na may lawak na 3.5 nautical miles por 3.5 nautical miles. Pinapaalalahanan ang mga maritime stakeholder na sumunod sa mga panuntunan sa paglalayag at mga pagbabawal sa hindi awtorisadong pag-angkla, pangingisda, diving at paggamit ng drone sa mga itinalagang security area. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here