Home METRO Nawawalang mangingisda sa Batangas, natagpuang patay

Nawawalang mangingisda sa Batangas, natagpuang patay

1
0

BATANGAS, Philippines – Natagpuang patay nitong Huwebes ng hapon ang isang mangingisdang naiulat na nawawala sa karagatan ng Nasugbu, Batangas, nitong Martes.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) Batangas station, narekober ang bangkay ng crew member ng fishing boat na FBCA “BOY NELLY 6” bandang alas-4:25 ng hapon, sa layong humigit-kumulang 1.5 kilometro mula sa Wawa Port.

Bandang alas-3:45 ng hapon nang makatanggap ang mga rescuer ng impormasyon na may nakitang bangkay na palutang-lutang sa lugar habang isinasagawa ang paghahanap sa nawawalang mangingisda.

Agad na nagtungo sa lugar ang PCG team at narekober ang bangkay.

Batay sa ulat, huling nakitang sakay ng fishing boat ang mangingisda bandang alas-9 ng gabi noong Nobyembre 10, matapos umano ang inuman kasama ang iba pang crew member. Wala namang isinasagawang pangingisda nang mga oras na iyon.

Hindi tinukoy sa ulat ang mga pangyayari na naging sanhi ng kanyang pagkawala.

Ini-turn over ang bangkay sa isang lokal na punerarya. Wala namang nakitang palatandaan ng foul play matapos ang isinagawang pisikal na pagsusuri ng pulisya, ayon sa PCG. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here