Home OPINION ‘MUKHA’ NG BANSA, ‘TINAKPAN’ DAHIL SA ASEAN SUMMIT

‘MUKHA’ NG BANSA, ‘TINAKPAN’ DAHIL SA ASEAN SUMMIT

1
0

HINDI na bago ang pagtatakip ng pamahalaan sa mga lugar na hindi kanais-nais sa paningin ng mga dayuhang delegado. Ngayong gaganapin sa bansa ang 49th ASEAN Summit, muling nasaksihan ang ganitong gawain upang maipakita ang magandang imahe ng Pilipinas.

Umani ng batikos ang paglalagay ng mga harang na may likhang-sining at tarpaulin sa J.W. Diokno Boulevard at paligid ng Philippine Internation Convention Center. Kinuwestyon din ang pansamantalang pagbabawal sa pagtitinda at iba pang negosyo sa mga pangunahing lansangan mula Parañaque hanggang Pasay, pati ang pagpapaalis sa mga terminal ng pampasaherong sasakyan.

Hindi ito bago. Noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., naglagay rin ng matataas na puting pader sa mga rutang daraanan ng mga kalahok sa Miss Universe pageant sa Maynila noong Hulyo 1974. Layunin nitong ikubli ang mga kabahayan ng informal settlers, sa utos umano ni dating Unang Ginang Imelda Marcos.

Naulit ito noong 1976, bago ang taunang pagpupulong ng International Monetary Fund at World Bank sa Maynila. Pinaalis at inilipat ang mga naninirahan malapit sa paliparan at mga pangunahing lansangan upang hindi makita ng mga dayuhan ang mga lugar na itinuturing na hindi magandang tanawin.

Sa halip na harapin ang kahirapan, mas piniling pagandahin ang panlabas na anyo ng kabisera at ng bansa. Ngayon, muli itong nasaksihan sa paghahanda para sa ASEAN Summit.

Tatlong araw na special non-working holiday at pagsasara ng mga pangunahing lansangan sa Pasay at Parañaque ang nakaapekto sa maraming mamamayan. Sa Baclaran at kahabaan ng Roxas Boulevard, naparalisa ang kabuhayan ng mga vendor, habang nalugi rin ang mga legal na negosyo, kabilang ang mga fast-food chain at tindahan, dahil kumonti ang mga kostumer.

Nangako naman ang Department of Social Welfare and Development ng ayuda para sa mga vendor at iba pang sektor na nawalan ng kita.

Kung may tulong namang ipagkakaloob sa mga naapektuhan, palampasin na muna ang ilang araw na abala para sa ASEAN Summit.

Ngunit hindi dapat makalimutan: ang tunay na magandang imahe ng Pilipinas ay hindi nakukuha sa pagtatakip ng kahirapan, kundi sa paglutas nito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here