Home OPINION KUNG AYAW NI LENI, ANDYAN SI RISA

KUNG AYAW NI LENI, ANDYAN SI RISA

1
0

SA pangatlong pagkakataon, ipinahayag ni dating Bise Presidente at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo na hindi siya tatakbo sa pambansang halalan sa 2028. Iginagalang natin ang kanyang pasya. Kaya naman, napapanahon nang isulong si Sen. Risa Hontiveros, na nagpahayag ng kahandaang ikonsidera ang pagtakbo kung ito ang pagpapasyahan ng One United Democratic Opposition.

Bilang mga lider at tagasuporta niya, patuloy naming palalakasin at palalawakin ang organisasyon, hindi lamang para kay Hontiveros kundi para sa tagumpay ng sambayanang Pilipinong naghahangad ng maayos, mapayapa at maunlad na bansa.

Bakit nga ba ganoon katindi ang aking suporta kay Senadora Risa? Sapagkat naniniwala akong siya ang isa sa mga pambansang alternatibong may kakayahang magsulong ng tunay na reporma.

Huwag na nating hayaang paulit-ulit na mga sikat na apelyido mula sa political clans at dynasties ang mamuno sa bansa. Hindi nagmula si Hontiveros sa isang political dynasty, at maituturing siyang naiiba sa larangan ng pambansang pulitika.

Sinasabi ng iba na mahina siya sa mga sarbey. Ngunit paano masusukat ang kanyang suporta kung hindi naman isinasama ang kanyang pangalan sa mga pagpipilian?

Para sa kanyang mga tagasuporta, ang sunod-sunod na paglulunsad ng Risa Na Movement sa mga bayan, distrito at lalawigan ay patunay ng lumalawak na suporta. Naniniwala silang nakaugat ito sa kanyang mga nagawa sa Senado, kabilang ang mga batas at programang direktang nakatutulong sa mamamayan.

Kabilang sa kanyang mga ipinaglalaban ang Expanded Maternity Leave Act at Solo Parent Act. Naging bahagi rin siya ng mga pagdinig sa Senado hinggil sa human trafficking, iligal na POGO at mga alegasyon ng katiwalian, bagaman ang pagpapakulong sa mga sangkot ay nakasalalay sa proseso ng hustisya.

Marami nang lider mula sa militar, abogasya, show business at ekonomiya ang namuno sa bansa. Gayunman, nananatili ang korapsyon at kahirapan.

Kaya bakit hindi subukan ang isang lider na may paninindigan laban sa katiwalian, nagtatanggol sa manggagawa at West Philippine Sea, at may rekord sa paggawa ng mga batas?

Iba ang hamong dala ni Risa Hontiveros. Panahon nang bigyan ng pagkakataon ang isang mulat, progresibo at makabayang lider.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here