MANILA, Philippines – Humingi ng “a little patience” si Transportation Secretary Vince Dizon sa publiko habang naghahanda ang mga awtoridad para sa ika-49 na ASEAN Summit at nagpapatupad ng mga pagbabago sa trapiko at transportasyon.
Ayon kay Dizon, malaking karangalan para sa bansa ang pagho-host ng naturang pagtitipon ng mga lider at kinatawan ng mga bansang kasapi ng ASEAN.
“This is a great honor for our country,” ani Dizon sa isang panayam nitong Biyernes.
Gaganapin ang ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong mula Nobyembre 16 hanggang 18. Idineklara na ng Malacañang na non-working holidays sa Metro Manila ang mga nasabing petsa.
Sinabi ni Dizon na nakikipag-ugnayan ang Department of Transportation (DOTr) sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga lokal na pamahalaan para mapangasiwaan ang trapiko at matiyak ang maayos na biyahe ng mga delegado at publiko.
Naghanda na rin ang mga ahensya ng traffic management plans at mga rerouting scheme bilang paghahanda sa posibleng pagsasara ng mga kalsada sa mga security exclusion zone malapit sa Philippine International Convention Center.
Nauna nang nilinaw ng MMDA na walang pangkalahatang pagsasara ng mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, ngunit magpapatupad ito ng stop-and-go scheme upang bigyang-daan ang mga convoy ng mga delegado.
Bukod sa mga hakbang sa trapiko, dinagdagan din ng DOTr ang kapasidad ng pampublikong transportasyon para matugunan ang inaasahang pagdami ng mga biyahero sa limang araw na long weekend.
Nagdagdag ang ahensya ng 50 bus sa EDSA Carousel kaya nasa 400 na ang kabuuang bilang ng mga bus, gayundin ng tatlong train set sa MRT.
Sinabi ni Dizon na magdaragdag pa ng 50 bus pagsapit ng Disyembre upang mabawasan ang pila ng mga pasahero sa EDSA Busway at mga istasyon ng MRT, lalo na sa holiday rush.
Samantala, doble rin ang seguridad na ipatutupad ng mga awtoridad sa panahon ng summit.
Magpapakalat ang MMDA ng 2,637 tauhan, habang 716 naman ang itatalaga ng Philippine National Police-Highway Patrol Group para manguna sa pag-escort sa mga pinuno ng estado, international delegates at foreign media.
“We really need to work together,” diin ni Dizon. RNT/MDS