Home NATIONWIDE PBBM, prayoridad kapayapaan, kaayusan; Recto, may hirit sa bagong Heneral ng PNP

PBBM, prayoridad kapayapaan, kaayusan; Recto, may hirit sa bagong Heneral ng PNP

1
0

MANILA, Philippines – Hiniritan ni Executive Secretary Ralph G. Recto ang mga bagong heneral ng Philippine National Police (PNP) na tiyakin na nararamdaman sa bawat komunidad ang kanilang paglilingkod sa pamamagitan ng mas ligtas na mga kalsada, agarang pagtugon sa mga nangangailangan, at paggalang sa karapatan ng bawat mamamayan.

Sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., patuloy na pinaiigting ng pamahalaan ang mga hakbang upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Alinsunod sa direktiba ng Pangulo, kailangang manatiling prayoridad ng PNP ang kaligtasan ng publiko at ang pagpapanatili ng peace and order, upang matiyak na ligtas ang bawat komunidad at panatag ang mga mamamayan.

Winika ni Recto, hangad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mag-iwan ng isang kapulisan na pinagkakatiwalaan at malalapitan ng bawat Pilipino.

“Isang pulis na hindi kinatatakutan kundi inaasahan,” ayon kay Recto sabay sabing . “Iyan ang tunay na sukatan ng tiwala ng taumbayan.”

Sa kanyang mensahe sa mga bagong heneral noong Nobyembre 12, sinabi ni Recto na dapat kilalanin ang mahusay na serbisyo, itama ang mga pagkakamali, at tiyaking inaasikaso ang bawat lumalapit sa presinto.

Ang mga salitang “Pulis po ako,” aniya, ay dapat magbigay ng kapanatagan sa mamamayan.

Iginiit din niyang dapat igalang ang mga karapatan ng mga suspek at sundin ang tamang proseso sa bawat operasyon.

“Build the case. Make the arrest lawfully. Bring the accused before a court,” ang sinabi ni Recto.

Binanggit niya ang pagbaba ng naitalang krimen bilang progreso na dapat pang palawakin ng PNP.

Ayon sa mga bilang na inilahad ni Recto, halos 39,000 ang ibinaba ng naitalang krimen sa unang 19 na buwan ng administrasyong Marcos kumpara sa naunang 19 na buwan.

Bumaba rin ang mga pangunahing krimeng tinututukan ng PNP ng 32 porsiyento mula Hulyo hanggang Oktubre 2026 kumpara sa kaparehong panahon noong 2025.

Bawat krimeng napipigilan, diin ni Recto, ay nangangahulugan ng isang pamilyang nailalayo sa kapahamakan.

Hiniling niya kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez na ipaabot ang pasasalamat niya at ng Pangulo sa mga pulis na araw-araw na nagbabantay sa mga komunidad.

Kasabay nito, hinimok ni Recto ang mga bagong heneral na palakasin ang kakayahan ng kanilang mga tauhan laban sa mga kriminal na gumagamit ng teknolohiya upang makapambiktima online at makaiwas sa batas.

Aniya, masusukat ang halaga ng kanilang mga bagong bituin sa araw-araw na karanasan ng taumbayan: kung ligtas bang maglakad sa mga kalsada at kung may pulis na agad na malalapitan kapag kailangan ng tulong.

Bilang senador, sinuportahan ni Recto ang batas na naglagay sa Philippine National Police Academy at National Police Training Institute sa ilalim ng PNP. Isinulong din niya ang pagpopondo sa mga body camera upang makatulong sa pagkalap ng ebidensiya at maprotektahan ang publiko at mga pulis sa panahon ng mga operasyon.

Naghain din siya ng mga resolusyon upang palakasin ang recruitment ng PNP at maabot ang target na isang pulis sa bawat 500 katao. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here